Google/cents from fountain |
"Mama, puede po akin na lang itong sukli kanina?"
Madalas kong marinig sa aking 6 na taong gulang na anak. Nakaugalian na niya itong gawin sa tuwina kami ay nagsisimba sa Redemptorist Church sa Baclaran. Minsan, may mga pinupuntahan kaming lugar na may fountain o ilog; bigla na lamang itong hihinto at naghuhulog ng coins.
Hindi ko alam kung saan niya ito unang nakita at natutunan. Hindi rin naman ako gumagawa ng ganito, siguro ay napapanood lamang niya sa mga palabas. Four years old ang huling natandaan ko na ginawa niya ito.
"Ano ang gagawin mo sa coins?" Ito ang natatandaan o lagi kong tinatanong noon sa kanya.
"Ihuhulog ko lang po doon sa wishing fountain"
"Ano ba ang iyong wish?" Ang paminsan-minsan na tinatanong ko sa kaniya.
"Iba-iba po mama"
"My first wish po mama, sana po ay magkaroon tayo ng maraming pera. Para po madami ka na pong pera at hindi ka na po mahihirapan lagi".
"Pang two mama, sana po ay maraming customer ang excel at para po marami ka pong pampa sweldo sa kila lola nerie"
"Pang three mama, sana po next Christmas nandito na po si papa. Dito na siya stay para kasama na po natin siya."
Sinasabi niya habang naglalakad kami. Nang biglang may naalala at nagpaalam na babalik siya ulit sa wishing fountain.
Ay!..... wait lang mama ha? May nakalimutan po ako sa wish!
Maya maya ay nakita ko na siyang papalapit. Naupo kami at nagkuwentuhan, tinanong ko siya kung ano ang kaniyang nakalimutan na wish; kaya siya ay nagpaalam bigla at bumalik doon sa fountain.
"Mama, kasi nakalimutan ko wish kay Jesus, na sana ay healthy tayong lahat. Si kuya, si papa ako at lalo na po ikaw mama."
"Ganun ba anak?" Napangiti na lamang ako at sabay yakap at haplos sa kaniyang ulo.
Ito ay isa lamang sa mga bagay na ginagawa ng isang musmos na humihipo sa puso natin na mga magulang. Mga simpleng bagay na baon natin sa ating puso at isipan. Ito ang mga bagay na sobra nating mami-missed pagdating ng panahon. Napakabilis ng panahon, isang araw magigising na lamang tayo na sila ay may sariling mundo na rin. Darating ang panahon na sila ay hihiwalay na sa atin at magkakaroon na tayo ng kahati sa kanilang atensyon at pagmamahal.
Kung maari nga lang na pigilin ang panahon........