http://www.123rf.com/photo_9242145_jack-of-all-trades.html |
Ito ang katagang una kong narinig
sa aking kaibigan noon.
Lagi ko na iyon naririnig sa
kanya, sa tuwina’y nagkukuwentuhan sila ng kaniyang mga kasamahan sa
trabaho. Dahil likas na mahiyain pa ako
noon, hindi ako nagkalakas ng loob upang siya ay tanungin; ano nga ba ang ibig
sabihin ng bukambibig niyang ito.
Ako’y laki sa hirap. Sanay na sanay ako sa lahat ng trabaho,
walang mahirap sa akin, at lalo nang hindi uso sa akin, ang salitang “hindi ko
alam”.
Para sa akin, sobra akong mapalad
dahil nagkaroon ako ng trabaho. Masaya
ako, dahil alam ko, na mas marami ang katulad ko noon ang walang mapasukan.
Kaya naman dobleng sipag ko, dahil na rin kailangan ko ang mabuhay dito sa Maynila;
ang hindi umasa sa aking mga kamag-anak.
Lahat ng p’wede kong gawin ay aking ginagawa. Tumutulong ako sa iba, kapag tapos na ang mga
naka-assign na trabaho para sa akin.
Ayaw ko na ako’y nakatambay lamang, habang pinapanood ang aking ibang
mga kasamahan. Sa madaling salita,
mahilig akong mag voluntary work sa kapwa ko. Para sa akin, hindi kawalan ang
lahat ng ginagawa ko, bagkus, dahil sa pagtulong ko ay mayroon akong dagdag na
kaalamang natutuhan. Bukod pa sa isiping
nakatulong ako upang mapadali ang isang trabaho. Sa madaling salita hindi ako pala-isip o
makasarili at walang pakialam sa paligid ko.
Kapag mayroong inuutos sa akin,
kahit hindi ko alam ang lugar, ang lagi kong sagot ay alam ko! Madali lang naman magtanong di ba? At mas
lalong alam ko naman magbasa.
Kapag mayroon gustong ipagawa sa
akin ang aking boss, at hindi ko pa alam paano gagawin; ang sagot ko ay “susubukan kong gawin ito sir at ipa-check
ko na lang sa iyo kung tama ang gawa ko”.
Ang katwiran ko, saan ba tayo natututo? Hindi ba sa umpisang walang alam
at ating inaaral para matuto? Kaya wala
sa bukabolaryo ko ang sumagot ng “Hindi
ko alam ‘yan at ‘di ko kayang gawin ‘yan!
Kahit ano ang iutos at ipagawa sa
akin, nang aking boss, supervisor o kahit kasamahan sa trabaho noon, ay hindi
ako nagrereklamo. Hindi iyon pagsi-sipsip,
pagpapalapad ng papel o nagpapalakas sa mga boss at ninuman. Dahil, ang tanging
nasa isip ko noon at sinasabi sa aking sarili ay “balang araw, ang lahat ng ginagawa ko ay magagamit ko rin sa aking
sarili”
Babae ako, pero marami akong
alam, at ginagawa na panlalaking trabaho, o gawaing panlalaki. Minsan, natatawa na nga lang ako, dahil mas
lalaki pa akong kumilos at mag-isip, kesa sa ibang nakakasama ko o
nakaka-trabaho ko. Ayaw ko sa malamyang
kumilos, at mabagal mag-isip. Para sa akin, sayang ang oras at panahon. Katwiran ko, ayaw kong abutan ng giyera, na
laging sinasabi ng lola ko noon.
Nadala ko ang ugaling ito umpisa
pa lamang noong nagka-isip ako. Ayaw ko
sa salitang “mamaya na” o “bukas na lang
‘yan”. Gusto ko, gawin ko na ngayon,
para safe na ako bukas o sa oras ng deadline o kung kelan kakailanganin ito. Mapa assignment at project ko noong nag-aaral
, hanggang nang ako’y nagkatrabaho na.
Padre at madre de pamilya ang
papel ko sa buhay, iyon ang madalas na sinasabi nila. Lalo na noong naging single mother ako. Halos lahat na yata ng trabaho, puwera
“construction worker” ay pinasok ko.
Basta lahat ng marangal na trabaho, okey lang na gagawin ko. Hindi ko
lang ginawa noon ang tumambay sa ermita, dahil katwiran ko, hindi pa ako ganun
ka desperado. Maraming nagpapalabada,
bakit ako tatambay sa ermita eh, ‘di mamasukan na lang ako na labandera kung
wala na talaga.
“Jack of all trade” din
pala ang tawag nila sa lahat ng ginagawa ko.
Doon ko lamang ito nalaman; nang minsan
akong biniro ng aking kaibigan Pero
hindi totoo na mayroong “master of
nothing”. Sa halip, “Jack of all trade
that I master everything”. Masasabi
ko na “master” hindi dahil sa naging expert ako sa lahat, kundi napatunayan ko
sa aking sarili; kaya ko pala lahat gawin, ang mga bagay na akala ng iba ay
hindi nila kayang gawain. OO, tama! Isip ang nagu-udyok para gawin
natin, ang mga bagay na gusto nating gawin.
Ngunit isip rin natin, ang madalas pumipigil sa ating sarili, upang
gawin ang mga bagay na gusto nating gawin.
Lakas ng loob, tibay ng dibdib, tiwala sa sarili at tiwala sa lahat ng
kakayahan mo. Ito ang susi sa bawat tagumpay ng isang tao. Kahit walang moral
support na inaasahan galing sa mga taong nakapaligid sa iyo. Ikaw at ikaw lamang ang mayroong kakayahang
gawin ang mga bagay na magpapaunlad sa iyong sarili.
No comments:
Post a Comment