Sep 21, 2012

Mga Hinaing ng Mga Babaeng Asawa Ng Isang OFW

Busy-mother-holding-her-baby  (Photo Credit:  123rf) 
“Sabi nga nila, sadyang napakahirap sa isang relasyon na magkalayo sa isa’t-isa.”
“Oo, tama sila!”

Sa mga mag-boyfriend at mag-girlfriend, kapag ito ay nasa sitwasyon ng “LDR o Long Distance Relationship” kung tawagin, iisa lamang ang nasa isip nila; mahirap at malungkot.
Kung sa tulad nila, na boyfriend at girlfriend pa lamang ang samahan, paano pa kaya ang mga mag-asawa na?  Mga mag-asawa na pinaglayo dala ng kahirapan  at mga pangarap sa buhay. Dahil sa  kagustuhang mabigyan ng magandang bukas ang lahat ng mga minamahal sa buhay; sakripisyo, pagtitiis at kalungkutan ang kanilang madalas na kalaban.

Pasintabi po doon sa mga lalaking OFW ha, ang mga nakasulat sa ibaba ay mga minor at major na saloobin lamang ng mga asawa ng OFW.  Na baka ang ilan ay hindi na ito nabibigyang-pansin.
Ang mga sumusunod ay iilan lamang sa mga saloobin ng mga kaibigan, kamag-anak at mismo ng may-akda ng blog na ito, na nasa ibang bansa ang partner sa buhay o mga asawa:

1, Malungkot – likas na sa mga babae ang ma-emote. Madalas itong maghanap ng lambing sa kanilang asawa; kahit sa mga mumunting bagay lamang.  Bahagi pa rin kasi ito ng pagmamahal ng mga babae sa kanilang asawa. At kapag nasa malayo si Mister, doble ang kalungkutan ng mga misis na naiwan.  Malungkot, dahil hindi magkausap nang personal.  Iba pa rin kasi ang personal na pag-uusap, kaysa sa mga social network, text, chat at tawagan kung ikukumpara.

2.Nahihirapan sa papel na “Ama at Ina o pagiging Solo Parent-napakahirap ang magpalaki ng mga bata, lalo na sa panahon ngayon. Napakahirap din ang pagbibigay ng tamang disiplina, lalo na sa mga teenager ngayon.  Ang mga babae, ibang magbigay ng disiplina sa mga anak.  Magkakaiba rin ang pamamaraan ng pagdidisiplina sa mga anak, kumpara sa mga lalaking asawa.

3. Special events-Pasko, Bagong Taon, Birthday’s, Graduation at Recognition day, Field Trips, Family Day, at iba pang mga pampamilyang okasyon. Walang bukambibig ang mga anak “Sana nandito si Papa!”.  Mga katagang simple lamang sa pandinig, ngunit nagdudulot ito ng sakit o kirot sa dibdib ng mga nanay. Iba kasi ang damdamin ng mga nanay pagdating sa mga anak.

4. Kapag mayroong sakit- ito ang isa sa pinakamahirap na parte ng buhay.  Lalo na kapag ang mga anak ay maysakit, para na ring mamamatay ang mga nanay. Ang mga nanay din, kapag nagkasakit ay nahihirapan rin; dahil ito ang mga panahong kailangang-kailangan ng mga babae ang kanilang mga asawa.  “Sana nandito ang aking asawa, para mayroon akong karamay at katulong sa pag-aasikaso”. Iyan na lang ang tanging nasasambit lagi,

5. Kapag mayroong problema-“sana nandito ang aking asawa”. Simpleng kataga na nauusal kapag may mga problemang kinakaharap. Simple nga, pero ang nakapaloob sa salitang iyon ay kasing lalim ng pinaghugutan ng buntong-hininga.

6. Budgeting- Isa sa nagdudulot ng stress, para doon sa mga naiwan ng mga asawa dito sa Pilipinas.  Sa hirap ng buhay, lahat ng bilihin lalo na ang mga basic needs, ay tumataas nang walang pakundangan. Kahit anong pagtitipid mo, kinakapos pa din; lalo na kung marami pa ang anak.  Sa gastusin pa lamang sa schools ng mga bata, pamasahe at baon, kulang na lamang pati buhok mo ay tuluyang makalbo.

7. Emosyon-Ang iba ay marunong magdala nito. Napakahirap sa mga asawa na naiwan dito sa Pilipinas kapag nalaman nilang nagloloko ang kanilang asawa sa abroad.  Bukod sa kulang na ang padala at nahihirapan mag-budget, eh, unti-unti pa itong pinapatay ng matinding emosyon , dahil sa ginawa ng asawa sa abroad. Ang iba, gumaganti kaya nasisira ang pamilya.  Ang iba naman, na mas pinahahalagahan ang pamilya, ay nagtitiis at umiiyak na lamang sa isang sulok.Nakahandang magpatawad sa mga pagkakamaling mga nagawa ng kabiyak.

8. Pagkaramdam ng pagod-sa maghapon na obligasyon para sa mga anak, sa gawaing-bahay, bukod pa kung ito ay career woman.  Feeling ng mga babaeng asawa ay unti-unti nang sumusuko ang katawang lupa nito.  “Sana, nandito ang aking asawa.”
Muli, ang katagang ito ay namumutawi na naman sa mga labi ng mga ulirang asawa.
Ilan lamang iyan sa mga madalas na  hinaing na naririnig o nararamdaman ng mga asawang naiwan dito sa Pilipinas.  Kung ang mga lalaking OFW na mayroong asawa ay nagtitiis sa hirap, init, bigat ng trabaho, hirap sa pakikisama sa mga co-workers at mga boss, at homesick ang kalaban; sa tingin ko mas mahirap at mas mabigat ang kalagayan at responsibilidad ng mga babaeng asawa ng OFW.

Kaya kung bayani man na itinuturing ang mga OFW, hindi ba marapat lamang na ituring din na mga bayani ang mga asawa ng lahat ng mga OFW?
 
Sa House Bill 635 na ipinasa ni Manila Rep. Trisha Bonoan-David sa House Committee On Labor, sa isinusulong na panukalang batas na ito, nais niyang mabigyan ng 15 days leave, ang mga asawa ng ofw na nagwo-work sa government agencies, kasama na rin ang mga nasa private companies; para magkaroon ng sapat na oras makipagbonding sa pamilya at iba pang mga gawaing pampamilya.  At sa batas na ito nakapaloob din ang pagkakaroon ng dagdag tax credit na gagawin naman ng mga employers, sa lahat ng kanilang empleyado na asawa ng isang ofw..
 
Sana maaprobahan ang batas na ito, bilang pagsaludo sa mga asawa ng OFW na naiwan dito sa Pilipinas. Kung saan double role ang mga ginagampanan sa buhay. Sana hindi lamang mga working mommy, sana pati na rin iyong mga full time mommy, ay mabigyan din ng ibang pribilehiyo; na naaayon para sa kanila.  Bilang pagtanaw at pagkilala sa malaking porsiyento na naiaambag  o naitutulong ng mga OFW sa bansa natin; sa pamamagitan ng kanilang mga dollar remittances.
Sana magkaroon din ng batas at mga benepisyo na isusulong para naman doon sa mga INA, na nagsasakripisyo na iwan ang kanilang mga anak at asawa, para magtrabaho sa ibang bansa at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya at makatulong sa kanilang asawa.

No comments:

Post a Comment