Sep 21, 2012

Magbanat Kayo Ng Buto At Lumaban Nang Parehas!

Bakit ba kasi may mga taong gustong kumita ng pera, pero ayaw namang magbanat ng buto.
Ano kaya ang pakiramdam  ng mga taong ito, ipinapakain nila sa kanilang pamilya ay galing sa masama?
Gumagawa sila nang masama para lamang may pantustos sa kanilang mga bisyo.   Nagkalat ang mga taong ito, mapagpanggap pa nga ang ilan sa kanila.  Nakabihis barong pa nga; ang ilan ay mukhang mga office girl at boy rin.  Ang ilan naman akala mo mga taong palaboy, senyas nang pangkain, pero iyon pala ay look out ng mga sira-ulong tamad magbanat ng buto.

Oo nga, mahirap talaga maghanap ng trabaho dito sa Maynila.  Pero ang tanong, bakit marami ang pumupunta pa sa probinsya para lamang maghanap ng trabahador.  Ang daming kailangang construction worker, boy, tindera, tindero o kargador. Marami ang naghahanap ng driver, marami rin ang naghahanap ng mga taong maglalako ng isang produkto tulad ng taho, buko, kakanin at iba pa.  Lahat ng mga nabanggit kong trabaho ay  mararangal, maliit nga lamang ang suweldo o maliit lamang ang kinikita  Pero, okey lang dahil ang naipakakain mo sa iyong pamilya ay galing sa pinaghirapan mo, hindi ba?

Hindi na bago sa atin ang balitang napatay dahil sa hold-up.  Nasaksak dahil nanlaban sa snatcher at iba pa.  Nilimas lahat ng mga pera at gamit sa isang pampasaherong bus.  Nadukutan sa LRT/MRT, jeep, fx o habang naglalakad.  Nabiktima ng isang holdaper kasabwat ang taxi driver.  Na hold-up sa jeep at minsan magdududa ka pa na kasabwat pa ang jeepney driver.  Matatalino ang mga Pinoy, kaya madaling malaman kung sino ang mga taong kasabwat.  Kaya minsan, kawawa din ang mga drivers ng taxi at jeep na nadadamay na hindi naman talaga kasabwat.  Eh, ano kaya iyong sabi-sabi na may mga  kasabwat din daw ang mga lespu?  Ibang usapan na iyan ‘di ba? Kawawa ang nadadamay.

Huwag nang subukang manlaban o habulin.  Sanay ang mga taong ito sa ala pang pelikula na mga action.  Siguro nga kapag sila ang isinali sa Olympics, siguradong panalo. Ilang beses na rin akong saksi sa mga ganitong pangyayari, pero hanggang tingin lang ako, mahirap na at baka ako pa ang balikan.  Dinadaan ko na nga lang sila minsan sa biro.  Lalo na kapag kilala mo.  Magbebenta ng cellphone “ sino na naman ang suwerte na nadale ninyo ha?”, tatawa na lang at todo pakiusap na bilhin ang kanilang nadekwat. “ Naku, wala akong hilig sa cellphone at alahas”, iyan ang lagi kong sinasabi.  Pero, tinatandaan ko na lang ang kanilang mga mukha at para kapag nakasalubong ko sila ay aware na ako.
Mga tips paano makaiwas sa mga taong tulad nila:
 
  1. Maging aware o mapangmasid sa mga taong nakakasabay o nasa paligid mo.
  2. Iwasan ang maglakad nang solo sa mga lugar na alanganin at walang gaanong tao.
  3. Magdala lagi ng pang-self defense ( hair spray, payong o karayon).
  4. Iwasan ang maglabas ng mga gadget sa pampublikong lugar.
  5. Ugaliin na magdala ng dalawang klase ng bag; isang hindi takaw-tingin at doon ilagay ang mahahalagang gamit o pera.  Kasama na ang mga ID’s.  Kung maaari iwanan ang mga importanteng gamit sa bahay.
  6. Laging maghanda ng 2 wallet, isang wallet na puwede mong ilabas pasok sa iyong bag sa pampublikong lugar.
  7. Sa taxi, ugaliin na kuwentuhan ang driver, pero kailangang observant ka. I-text sa isang kakilala o kapamilya ang plate number at saan ka papunta.  Maging alerto lagi sa kinikilos ng taxi driver at mag-lock ng pinto lagi.
  8. Sa bus, huwag tutulog-tulog, maging mapangmasid, the best na lagayan ng mamahaling bagay o pera ang loob ng bra before lumabas o bago pumasok ng opis para sa mga kababaihan.  Sa Kalalakihan naman sa, loob ng medyas o sa sapatos. Para kahit gitgitin ka sa bus o mayroong holdaper hindi nila makuha ang mga importanteng bagay.  Ibigay mo ang iyong bag at iwasan ang mag cellphone kahit nasa bus o jeep.  At kung mayroong magdeklara ng hold-up, pasimpling ipitin sa kinauupuan ang iyong celphone o wallet..
  9. Sa Jeep, bawat umaakyat na magkasabay at hiwalay na umupo tulad sa unahan, likuran at gitna ng jeep, kailangan mo nang maging alerto. Kailangan mo nang maging mapangmasid.  Bumaba ka kung nakaramdam ka ng panganib.
  10. Kapag naglalakad at may umakbay sa iyo, huwag nang pumalag dahil mayroon kasamahan ang mga sira ulong ito. Hindi sila nag-iisa, ibigay mo na lang dahil mas mahalaga ang buhay mo kumpara sa mga makukuha sa iyo.
  11. Sa terminal ng bus, hangga’t maaari huwag kayong pumayag na binubuhat ng mga barker ang inyong mga bagahe. Hindi lahat pero karamihan sa mga barker ay mga salisi. Alam na alam ko ito, dahil lagi kong nakikita ang ganitong eksena.  Lalo na kung marami kayong bagahe at mayroong nakabukas na bag, tiyak mayroon nang nabawas sa mga gamit ninyo.  Lumapit lamang sa mga authorized na tauhan ng mga bus terminal.
  12. Iwasan ang magsuot ng mga alahas sa katawan. Saglit lang iyan baka pati tainga mo ay  maputol.  Sanay sila sa ganyan at harap-harapan pa nila itong ginagawa. Hindi ka na nga makakibo, dahil isang kisapmata mo lang wala na.  Ganun sila kabilis.
  13. Kapag naman ay may napansin na may nakasunod sa iyo, subukan mong iligaw.  Huminto sa isang lugar na may tao at obserbahan ang taong sumusunod sa iyo.  Kapag huminto din at panakaw na pasulyap-sulyap sa iyo.  Meaning ikaw ang sinusundan noon. Maghanap ng lugar kung saan ay safe ka at tumambay muna. Kapag mayroong pulis pasimple na inform mo ang pulis. Pero huwag mong hayaan na maglakad kang mag-isa.
  14. Sa mga opisina, kailangang magpalagay ng automatic lock at maging aware sa mga customer na pumapasok lalo na kung baguhan.
  15. Kapag ang bahay mo ay nasa daanan o gilid ng kalsada at kaunti lang ang taong dumadaan.  Bago magbukas ng gate o main door, kailangan mong lumingon muna sa paligid.  Kapag may taong hindi mo kilala, huwag munang pumasok at buksan ang gate.
  16. Kapag may naka-motor at mayroong angkas at nakahelmet ang buo, medyo umiwas o lumayo at  sumabay sa karamihan.  Alerto ka lagi, mag-isip na ng lugar kung saan maari kang tumambay pansamantala.  Tiyak kasi na sinusundan ka na kung saan ka nanggaling.
Ito ang mga lugar na talamak at madalas kong nakikitang maraming biktima

EDSA ( Pasay Rotonda-Malibay)  Buendia Pasay to Makati-Ayala.  Buendia to Pedro Gil- Quiapo.  Ito ang mga lugar na wala kang makitang mga pulis na maaaring tumulong sa iyo.  Kaya naman, marami ang nabibiktima sa lugar na ito na parang balewala lang, parang namamasyal lang ang mga salarin. Tawanan pa kapag bumaba na o nakabiktima na.  Ganun sila kasama, ganun sila kahalang ang sikmura

No comments:

Post a Comment