Sep 21, 2012

Masarap Balikan

credit/fotosearch
Sa isang baryo, kung saan uso pa ang akyat ng ligaw; mayroon isang dalagitang mahilig sumuot sa mga kasukalan.  Sa kasukalan  kung saan siya ay nangunguha ng mga pinya, buko at kung anu-ano pa. Mga prutas o punongkahoy na puwede niyang mapakinabangan at kainin.
Para siyang lalake kumilos.  Kaya niyang umakyat sa puno ng niyog; mahilig siyang manguha ng mga buko. Ang masaklap nga lang ay ang napagbibintangan ng kaniyang lolo ay ang kawawang mga kapitbahay.  Kapitbahay na isang kilometro ang layo sa kanila.  Ganun kasi sa probinsiya, kapitbahay mo,  isa hanggang dalawang kilometro ang layo.

Masarap ang tuba, ito ang alak ng mga matatanda o kahit mga bata pa sa probinsiya.  Magaling din daw itong pampurga sa  mga bata, isang baso kapag umaga paminsan-minsan; pangontra sa bulate daw.  Totoo nga yata, dahil wala itong bulate sa katawan at mukhang hindi malnourish.
Itong dalagitang ito, tahimik lang talaga noon, mapapanisan ng laway lagi.  Mabait nga ito, pero mayroong tinatagong kasutilan sa katawan.  Mahilig nakawin ang mga itinatagong prutas ng kaniyang lolo. Pati ang itlog ng mga manok, kinukuha at kinakain nang hilaw; masarap daw kasi, lalo na kung patago itong kinukuha.  Minsang nahuli ng lolo, natawa na lang at nalaman nito na siya pala ang salarin.  Pangalawang apo, kaya ayon may pagka-spoiled nang kunti.

Pati  sa pag-igib ng tubig, akala mo lalake;  kayang buhatin ang isang container na 5 galloons ang laman at isang 3 gallons naman sa kabila.  Pagpunta sa igiban, patakbo itong mabilis na nilalakbay, parang naglalaro. Pag pauwi na ito, walang pahinga rin,  tuloy-tuloy lang sa paglalakad karga sa balikat ang dalang mga gallons.  Ganun ka-energetic ang dalagitang ito.  Hindi sakitin kahit na parang lalake itong magtrabaho.  Malakas ang resistensiya, siguro dahil sa kinakain nitong bulgor, nutriban at ang rasyon galing sa Dswd noon;  corn powder, skim milk at fish oil vitamins.  Sana may ganun pa ring supply ngayon. Sa panahon ni Marcos noon, usong-uso ito noon at marami ang nakakain lalo na ang mga malnourished.

Dahil sa sobrang tahimik ito noong bata pa, madalas i-bully ng mga kaklase noong elementary pa lamang ito.  Hindi nga lang isang beses na ito ay pinatulungang ibaon sa kanal na malalim at maputik.   Isip niya noon “humanda kayo at paglaki ko, itatali ko kayo at aking pagugulungin.  Ilulubog ko din kayo sa putikan”.
Ito na, dahil nagdalagita na nga itong batang ito, nagkaroon ng mga manliligaw.  Tuwing nag-iigib ng tubig,  inaabangan ito ng nanliligaw.  Siyempre, dahil kilos lalake ito at nahihiyang may nanililigaw, tinatakbuhan niya ito at iniiwan ang mga gallon niyang dala.  Si manliligaw naman, ayun, parang tanga, mag-isang inihahatid ang gallon sa bahay ng dalagita.  Kawawang binata, uuwing lulugo-lugo lagi.  At tulad ng inaasahan, basted!

Nagkaroon ulit ng isa pang manliligaw, taga kabilang baryo naman.  Bibisita, may dalang isda; siyempre nagpapasikat si manliligaw.  Ito din ang maglilinis ng kaniyang dalang mga isda. Siyempre, ang lababo sa probinsya ay kawayan, minsan butas pa, dumulas ang isda, mukhang buhay pa!  Loko talaga, tumalon sa ilalim ng lababong kawayan; ang kawawang manliligaw pumunta sa ilalim ng lababo.  Kinapa sa maputi na parang paliguan ng baboy. Kamalas naman talaga, biglang nagbuhos ng tubig na pinaghugasan ang tatay ni dalagita, kasama na ang pinaghugasan ng isda na dala ng binata. Malas talaga! Tawa na lang ang ginawa ng dalagita. Basted din naman ang kawawang binata, kahit naka 50 kilos na yata ng isdang dala sa loob ng tatlong buwang panliligaw.

Sa probinsiya sa bukid, hindi uso ang palikuran na inidoro.  Huhukay lang at lalagyan ng patungan, ok na. O di kaya ay kahit saang puno na lang uupo, puwede na mag-unload; malapad nga kasi ang bakuran, halos ilang ektarya. Ang nakatutuwa pa, kapag panahon ng santol, ang buto nito na kasamang nilulunok ay itina-tae din.  Kaya naman, after ng ilang linggo, may mga punong tumubo sa kung saan umebak ito.  Ang pamunas? Siyempre, walang tissue, balat ng niyog, o ‘di kaya’y dahon ng halaman, kapag minalas at ang nakuha ay dahon ng busisi….hahaha… sugat ang puwet!

Dahil, hindi nga uso ang Cr o palikuran, kapag gabi na, sa gilid na lang ng bahay kubo magbabawas.  Kahit nga sa araw, ganun din; wala naman kasing kapitbahay na puwedeng mamboso eh.  Ang problema, mayroong manliligaw na nahihiya tumuloy, ayon nasa tabi-tabi lamang at nagtatago.  Hahaha…sige baba ng pang ibabang kasuutan, nagmamadali na kasi wewee na talaga; biglang naputol ang pag-unload ng tubig mula sa katawan.  Paano kasi, nakita ng dalagita ang manliligaw na nasa harapan, malapit lang sa kanya at nagtatago sa likod ng punong buli!  Kamalas nga naman oh! Nakakita nang live ang binata.  Siya pa ang napahiya sa dalagita. Si dalagita, natulala at hindi malaman kung ano ang gagawin.  Oh my gholay, nakita na ang langit…..Hindi na tuloy  umakyat nang ligaw ang binata.  At kapag nagkakasalubong sa bayan, hindi nagtitinginan dahil  nagkakahiyaan.

Minsan, ang sarap gunitain ang buhay noong kabataan.  Masarap balikan lalo na iyong mga masasaya at nakatutuwang pangyayari.  Masarap maging bata at maging dalagita ulit.  Hindi masyadong kumplikado ang buhay.  Masaya din ang karanasan ng isang batang taga bukid.  Nakaka-miss ang mga dating ginagawa, tulad nang patakbo-takbo sa kabukiran, ang pangunguha ng kung anu-ano sa bukid. Ang pag akyat sa mga puno, at ang pagtampisaw sa dagat at ilog.

Masarap balikan na ang sabon mo ay Mr. Clean, ang shampoo mo ay gata ng niyog.  Ang lotion mo ang dinurog na dahon ng papaya.  Ang pangkulot ay dahon ng kamoteng kahoy.  Ang toothpaste ay ang abo sa kalan na ikinikiskis sa ngipin o ‘di kaya ay asin.  Na ang sanitary pad ay ang lampin ni bunso.  Masarap gunitain na ang ulam ay niyog at asin, ginamos o ‘di kaya ay native na manok.  Balinghoy o kamoteng kahoy, saba  at oraro ang hapunan.  Pero walang kasing sarap ang nahuhuling isda ng tatay ko na gumagalaw-galaw pa.  Hindi na kailangan ng vetsin o anong pampalasa, asin lang at talbos ng kamote ay masarap na.
Masarap gunitain ang kantang “bahay kubo kahit munti ang halaman doon ay sari-sari”, tama ka mayroon kaming ganyan noon.

Sana, pagdating ng araw, mabalikan ko ang lahat nang ito, sa bayan kung saan ako nagmula.  Hindi pa naman huli ang lahat, kahit bakasyon lang.

No comments:

Post a Comment