Sep 21, 2012

“Sana Nga! Para For Good Na Ako Sa Pinas, Mare” (Dream ng Bawat OFW at Pamilya Nito) Part 5-Canteen

“Dyarannnnnnnn………!  Ito na ako ulit……muling nagbabalik para sa inyo.  Mukhang marami yata ang gustong pasukin ang negosyong pagkain. Inaapura akong sundan at tapusin ko na raw ang usapang negosyo sa pagkain.”
 
Para sa inyo, ang ibabahagi ko ay ang actual na kuwento, at hindi lamang mga tips, o diskarte ang inyong mababasa, kundi pati na rin ang mga ups and downs na pinagdaanan nito. Iyong halos susuko na ako sa pagod, puyat at hirap.  1-2 hrs. na tulog, kahit mayroong sakit, pipiliting kong bumangon para mamalengke.  Kahit malalim ang baha, bagyo o malakas ang ulan kailangan ko itong suungin.  Dahil para ko na ring obligasyon na parang mga anak, kapamilya ang aking kailangang pakainin. Dahil, kapag hindi ako nag-o-open, ang naririnig ko ay “Ate, wala kaming makainan na mura, pasok sa budget, kapag sarado ka.”

Chinese ang mga amo ko dati, kaya naman namana ko ang motto na “kahit kaunti tubo, basta dami bili, ubos agad tinda, hindi tulog pera,”

Ang importante naman kasi ay ma cover-up ang expenses, may pasuweldo sa mga staff at hindi abono lagi. Ang malibre lamang sa pagkain  ay napakalaking bagay na ito.
Hayaan po ninyong isalaysay ko kung paano nabuo ang “Hapee’s Food Corner.”
Taong 1998 ako nag-start ng balut-balot.  Nakilala ko ang asawa ng kasamahan ng partner ko sa Saudi, mayroon siyang canteen sa Hongkong Plaza; isinama at inalok ako na mag-open doon ng kainan rin.  Na-convince ako; tamang-tama ang location, dahil doon daw itatayo ang bagong NBI.

Loan sa PAG-IBIG 36K, SSS 20K, Bonus ng Boss ko 15K, at total lahat ay P71k
Starting capital P    71,000.00
Mga gamit                  23,500.00
License                          6,500.00
D/P sa rental           18,000.00
Pica-pica foods&      2,000.00
Other goods                6,000.00
Remaining Capital    P 15,000.00

Sa mga gamit, kasama na ang para sa signboard, labor paggawa ng store at materyales.
Hindi ko na ito kinaya, kaya kumuha na ako ng tagaluto, o cook. Tuloy pa rin ang mga office deliveries ko.

Hindi natuloy ang paglalagay ng opisina ng NBI  sa HK Plaza. Hindi naging maganda ang outcome ng sales; nalulugi na ito, at paubos na ang aking capital. Kinailangan kong mabawi ang ipinuhunan ko. Hindi na ako makatulog, hindi ako sanay nang may utang.  Kailangan kong gumawa ng paraan.
Hindi ko tinantanan. Naghanap ako ng ibang malilipatan. Nakakita ako sa isang terminal ng bus, mabigat ang renta 12k/mo.  Pero, inisip ko ang maraming tao na maaring maging customers namin.  Mas malapit pa, walking distance lang, galing sa bahay at sa work ko.
Hindi natupad ang kasunduan na dalawa lamang kaming maglalagay ng canteen. Meaning, naghihingalo talaga.  Umiiyak na ako, sayang ang ipinuhunan ko, may utang pa ako sa aking dalawang kaibigan. Hindi na ako makatulog, pero laging nasa isip ko na kailangang tibayan ang dibdib ko. Laging pinalalakas ang loob ko ng partner kong na nasa KSA.
“Kaya mo ‘yan!…ikaw pa!”  Huli ko nang sinabi na pati ang iniipon ko galing sa padala niya ay nagastos ko na rin.

Mga paraang naisip ko, bakit ako naka-survive at nakabayad.  Lahat ng pagkakautang sa mga kaibigan, sa SSS at HMDF.
(ang takal o bilang ng servings, ay tinalakay ko na sa part ng balut-balot)
1.Hands-on ako
2.Google ng mga recipe na kakaiba. Ne-re-invent ko ang mga ito, kung saan puwedeng alisin ang ibang ingredients nang ganoon pa rin ang lasa at itsura.
3.Friendly ako sa mga kumakain, inaalam ko kung anu-ano ba ang mga gusto nilang luto. 3x/day kasi silang kumain.  Mga driver ng bus, jeep, padjak, employees, student’s at mga pasahero o mga napadaan lamang.
4.Pumapasok ako sa mga opisina na nadadaanan ko, inaalok ko ng packmeals. Nakakuha ako ng regular na 50-60 packed meals, Monday-Saturday. Isang training office. Aside pa sa mga calls, na napadaan at nakatikim ng luto. Bulk orders nga lang ito at minsanan lamang.
5.Iniiba-iba ko ang menu araw-araw. Linggo ang pagitan bago mo makita ang isang ulam.  Except, doon sa mga favorite nilang ulam, tulad ng dinuguan, tinola sa umaga, sinigang, prito at ginataang isda. Sisig at fried chicken at iba pa.
6. Sinikap namin na maiwasan ang late delivery sa mga offices.
7. Bawat offices/banks etc., ang guard on duty o head, ay mayroong free na ulam at kanin
8.Tinutukan ko ang tamang takal ng ulam, recording, etc.
9. Hinanap ko ang tamang bigas na tama sa panlasa nila
10. Laging bolalo ng baka ang aking sabaw araw-araw
11.Naturuan ko ang aking mga tauhan paano maging friendly o mag-alaga sa mga customer.
12. Nagse-save ako everyday para sa rental, water, elect at salaries
13. Savings sa alkansiya araw-araw.
14.Pang-masa ang presyo, para ubos lahat at walang matira. Sa tira madalas nalulugi.
Ilang canteen na rin ang nag-try na mag-open ulit, sa awa ni God, okey pa din ang aming sales.
Sa September 03, ikaw-apat na taong celebration ng aking “Hapee’s Food Corner.”
Mga  achievements ng maliit kong canteen sa loob ng apat na taon:
1.Nakabili ng isang honda motorcycle
2.Wrangler jeep na assembled
3.Nakapagpatapos ng isang yaya/helper
4.Mayroong yaya na natutong magluto at mayroon na din itong napagtapos na college na helper
5.Pinagkukunan ng tuition ng mga anak ko
6.Mayroong SSS contribution at bonus tuwing December ang mga staff
7.Higit sa lahat, for good na ang aking partner dito sa Pilipinas next year. Siya na ang mamahala ng aming munting negosyo na kainan.

Mahirap ang magkalayo sa isang mag-asawa. At ang tanging naisip ko lamang noon ay kung paano ko pagkakitaan ang aking hobby na pagluluto.  At kung papaano, makararaos sa maraming gastusin, lalo na ng aming mga estudyante.

Sana, para doon sa mga pamilya ng ofw, nakapulot sana kayo ng munting idea mula dito.  Kailangan ang magtulungan sa hanapbuhay.  Alalahanin natin na hindi habangbuhay ay magtatrabaho sa abroad ang ating mga mahal sa buhay.  Kailangan nating matutong mag-ipon at invest.  Walang kasing saya kapag buo ang pamilya at magkkasama.  Mahirap man, pero kapag nagtutulungan, lahat ay mapadadali.

Naniniwala ako na basta’tmasipag ka lamang dito sa Pilipinas, madiskarte sa tamang paraan, magkaroon ng contentment sa sarili….tiyak ang pag-unlad.  Kaya ko po ito nasabi, dahil marami akong mga kaibigan na dati ay ofw, pero ngayon ay may mga sarili nang hanapbuhay. Mayroon ding mga naiwang pamilya dito sa Pilipinas na pinasok na ang pagnenegosyo.  Mabilis silang nakapag-ipon, nakatulong sa mga asawa at nabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.



No comments:

Post a Comment