Sep 26, 2012

Ang Nalalapit Na Pagtatapos Ng Isang LDR Relationship

(wikipedia/saudiaairline)
Napatingin ako sa kalendaryo, 5 buwan na lang pala at mawawala na ang titulo na LDR sa buhay ko at buhay ng mahal ko.

Ang hirap maghintay.  Minsan, parang ayaw ko nang tignan ang kalendaryo; at madalas talagang umiiwas na akong tumingin at magbilang sa bawat pahina at numero nito.  Isa sa pinakamahirap sa buhay nang LDR ay iyong ikaw ang naiwan; Iba ang pakiramdam kumpara sa ikaw ang umalis. Alam ko ang pakiramdam na ganito dahil parihong naranasan ko ito.

Ilang taon na pagtitiis. Ilang taon na nangangarap na sana balang araw magkakasama din kami.  Ang tanging nag-uugnay ay ang internet at celphone.  Hindi ko pinangarap ang magkaroon ng ganitong relasyon.  Mula pagkabata, pinangarap ko na ang isang buo at masayang pamilya.  Salat man sa ibang bagay, ngunit masayang magkasalo sa hapag kainan.  Masayang pinagsasaluhan ang mga nakahaing nakayanan. Ano ang silbi ng mga masasarap na pagkain sa aking harapan, kung ang ang aking mahal ang nasa isip ko; kung kumain na ba at kung ano na ang kinain niya sa oras na iyon.  Ano ang silbi nang mga material na bagay kung alam mo na nag-iisip ka kung ano ba ang kanyang ginagawa sa oras na ito.

Sobra kong nami-miss ang mga araw na tayo ay magkasama, hinahanap-hanap ko ang ating mga tampuhan at pagbabati na tinatapos nang isang simpleng yakap at halik. Nami-miss ko ang mga tawanan natin, kulitan, harutan at walang katapusang mga kwentuhan habang nakahiga na.  Sobra ko rin nami-miss iyong pagtulog natin na magkahawak kamay at magkayakap, na iyong mukha ko ay nasa ilalim ng iyong kili-kili. Habang ang isa sa atin ay naghihilik dahil sa sobrang pagod. Hinahanap-hanap ko iyong nakikitang halos nag-aagawan at hindi na makatayo sa lamesa dahil sa sobrang kabusugan.  Hinahanap-hanap ko iyong madalas ay sinasamahan mo ako sa kung saan man ako pumunta.  Hinahanap-hanap ko rin ang minsang naasar ako sa tuwina’y nalalasing ka. At mas lalong na-miss ko ang minsan mong mga paglalambing.  Miss ko rin na iyong nililigpit ang aking mga paperworks para senyal na tumayo na ako at kayo naman ang aking bibigyan ng oras at panahon.

Siguro nga napakapalad ko sa panahong ito.  At sa 5 buwan na nalalabi excited na ako sa iyong pagdating.  Alam ko, pagkatapos ng 5 buwan na iyon mula ngayon; iyon na ang huling pag-apak ko sa airport para sunduin kita.  Dahil alam ko, ito na rin ang huli na ikaw ay hindi na lilisang muli para kami ay iyong iiwan.
Sa mga panahong, sobrang maraming pagsubok tayong pinagdaanan,  Sa mga panahong maraming sumubok sa tibay nang ating relasyon.  Sa mga panahong muntik na tayong bumitaw sa isa’t-isa; sa mga panahong kapwa tayo nagkulang nang panahon sa bawat isa.  At sa mga panahong puno nang galit ang ating mga puso dahil sa mga mabibigat na pagsubok na ibinigay sa atin. Nagpapasalamat ako na lahat nang ito ay ating nalampasan. Thankful ako dahil mayroon tayong open communication sa isa’t-isa. Nasasabi natin ang bawat saloobin natin, ang bawat kinikimkim na mga damdamin na naging daan upang malampasan natin ang lahat nang mga pagsubok.

Sa iyong pagbabalik at hindi na muling paglisan, alam ko na marami pa rin tayong pagsubok na pagdadaanan.  Alam ko na malalampasan natin ito nang magkasama.  Hawak kamay nating haharapin ang lahat nang hamon sa bawat relasyon.  Alam ko na sa bawat hindi natin pagkaintindihan mas madali para sa atin na ito ay ayusin.  At muli sa iyong pagbabalik alam ko, muling manunumbalik ang minsan ay naging malamig na mga panahong alam ko pinagdadaanan ng bawat may relasyong LDR.  Dahil alam ko sobra-sobra lang natin nami-miss ang bawat  isa.

Panibagong buhay sa mundo na hindi mo nakasanayan, ngunit sisiguraduhin ko sa iyo na ito ay iyong hindi pagsisisihan.  Dahil alam ko ito ang pangarap ng bawat OFW ang makasama at manatili sa bansa kung saan kasama niya ang mga taong nagmamahal sa kanya.
Wala na ang mga pasko at bagong taon na malamig at  malungkot.  Magkasama na nating ma-i-celebrate ang ating mga birthdays.  Higit sa lahat magkakasama na tayong magsisimba tuwing araw nang linggo at magkakasama na rin tayong a-attend sa school activities ng ating mga anak.

And the countdown begins from now..............See you soon…..Dadi!

No comments:

Post a Comment