Sep 21, 2012

Pinagtagpo, Pinaglayo ng Tadhana at Relihiyon (True Story Part 2)


Sa bawat buhay nga raw ay mayroong kontrabida.  Nalaman ng tiyahin ni Anna ang tungkol sa relasyon nilang dalawa. Ang masaklap, ginawan pa ito ng kuwento na hindi totoo ni Lea.
“Mga walang hiya kayo! Lumayas ka dito, Al! Wala kang utang na loob, pagkatapos kitang patirahin dito sa pamamahay ko, ito pa ang gagawin mo?” , ito ang nakakabinging sigaw ng tiyahin ni Lea.

Humingi ng sorry si Al, umiiyak habang nagliligpit ng kaniyang mga gamit.  Si Anna naman, nasa isang sulok.  Umiiyak habang pinagmamasdan ang pagliligpit ni Al. Halos sasabog na ang dibdib niya. Sari-saring emosyon ang kaniyang nararamdaman.  Awang-awa si Al kay Anna, magkakahiwalay na kasi sila.  Hindi natiis ni Al si Anna, at patakbo itong lumapit sa kinaroonan niya.  Niyakap niya ito at kapwa na silang  humagulgol nang todo.

“Hindi kayo maaring magkatuluyan!” ang palahaw nang tiyahin ni Anna. “Tama na ang ako lamang ang nakapag-asawa ng muslim! Wala nang pwedeng sumunod sa yapak ko! Isinusumpa ko iyan, at itaga ninyo sa kukote ninyo.”

Lumayas ka na Al…! At ikaw na malanding babae ka, maghanda ka at pauuwiin na rin kita!”

Tahimik lamang ang tiyuhin ni Al, ang asawa ng tiyahin ni Anna. Isa itong pure na Tausog. Walang magawa. Nag-usap nang panandalian ang magtiyuhin. Pinahanap nang pansamantalang matutuluyan si Al.  Tatapusin lamang ni Al ang pangalawang semester, at ipagpapatuloy na nito ang pag-aaral sa ibang siyudad.
Panakaw na sumisilip si Al sa shop, kung saan nandoon si Anna.  Lingid kay Anna ang ginagawang ito ni Al.  Si Anna, walang ginawa kundi ang umiyak nang umiyak.  Bumigay na ang katawan nito.  Bago napauwi si anna sa kanilang lugar, nagawa pa ni Al na pasimpleng dumaan sa shop at panakaw na nagbitaw ng salita si 
Al.  si Al na noon ay papunta na rin nang ibang siyudad.

Al: Anna, babalik ako, hintayin mo lamang ako. Magtatapos ako para sa iyo.

Anna:   Pangako, Al?  At kapag hindi mo na ako maabutan dito sa pagbalik mo, alam mo na kung saan mo ako puwedeng makita o puntahan.  Baka makauwi na rin ako. Pero susulatan kita lagi.
Punong-puno ng mga pangako at pagmamahal sa isa’t-isa.  Si Anna ay panakaw na nakakapagpadala ng sulat na sa lugar ni Al naka-address.  Tuwing bakasyon, panakaw na dumadaan si Al sa shop. Hindi magawang sumagot ni Al sa mga sulat ni Anna, dahil makikita ito ng tiyahin kapag ibinigay ng kartero.
Umuwi na ng Maynila si Anna. Walang kasiguraduhan, pero, umaasang matutupad ang mga pangarap at pangakong binitawan sa isa’t-isa.  Mabigat ang kalooban na nilisan ang lugar kung saan natuto siyang magmahal.

Pagdating sa Manila, saka lang nalaman ni Anna na naiwan pala niya ang bag na kung saan ay nandoon ang address ni Al.  Naputol ang communication nilang dalawa. Masakit man para kay Anna, pero tinatagan niya ang loob niya. Nararamdaman kasi niya na muling magtatagpo ang landas nilang dalawa ni Al.
Muling napagawi si Anna sa lugar kung saan sila unang nagkita ni Al.  Hindi sinasadyang, napadaan rin si Al sa shop.  Galing ito sa Zamboanga, kung saan nagtapos ng kaniyang pag-aarl.  Kapwa sila nagkagulatan, na nakita nila ang isa’t-isa. Kapwa pigil ang mga sarili. Nakabantay ang tiyahin. Hanggang tanaw na lamang sa isa’t-isa.

Ipinagpatuloy ni Anna ang pag-aaral sa Maynila. Wala na itong balita kay Al.  Maraming pagsubok ang pinagdaanan ni Anna.  Nadisgrasya ito ng isang mapagsamantalang lalaki. Naging matatag si Anna, kahit halos tapusin na niya ang buhay dahil sa pagkasira ng kaniyang kinabukasan.  Dagdag pa ang isiping, paano na siya haharap sa taong pinakamamahal niya. Wala na siyang maipagmamalaki dito. Umaasa pa rin kasi si Anna na sa huli ay magiging sila ni Al.

Lumipas ang mga taon, nalampasan ni Anna ang pagsubok bilang isang single mother.  Napalaki niya ito ng maayos. Naging maayos na rin ang buhay ni Anna. Abala ito sa kaniyang career.  Kinalimutan rin niya ang usapang pag-ibig. Ngunit sa puso niya ng mga panahong nag-iisa siya, at pinalalaki ang kaniyang anak, ramdam niya na muling mag-krus ang kanilang landas ni Al.  Umaasa siya, na sana kapag pinagtagpo sila ulit, ay binata pa si Al at mataggap kung ano ang nangyari sa kanya.  Hindi mahilig si Anna sa social network, pero dahil sa mga kasamahan sa opisina, natuto na siyang mag-friendster. Hinanap ni Anna si Al. Wala ito. Kinalimutan na ni Anna si Al nang tuluyan. Kahit na malakas ang pakiramdam niya na muli silang magkakatagpo ni Al.

Isang message sa inbox ng Facebool.  “Hi….how are you?”
Biglang nanlamig ang aking buong katawan.  Kinusot ko pa ang aking mga mata, totoo nga ang pangalang nababasa ko sa inbox… si Al!
Al: Ang tagal kitang hinanap.  Ang sabi ni tita (tiyahin ni Anna), hindi na raw nila alam kung nasaan ka. Ipinagtanong kita sa mga pinsan mo, wala silang alam sa kinaroroonan mo.  Sumulat ako pero walang sagot. Ipinadala ko ito sa address na ibinigay mo sa mga huling sulat mo.
Anna:  Ang tagal kong naghintay, marami na ang nangyari, siguro hindi talaga tayo para sa isa’t-isa. Masaya na ako ngayon sa buhay ko.
 
Al:  Wala akong ginawa noon, tuwing naiisip kita at nalulungkot ako kundi ang basahin nang paulit-ulit ang iyong mga sulat. Umaasa ako na magkakaroon ng katuparan ang ating mga pangarap at pangako sa isa’t-isa.
Anna:  Tapos na ang lahat Al. Siguro sadyang pinagtagpo tayong muli ng tadhana, upang magkaroon ng closure ang isang bahagi ng buhay natin.  Masaya ako na makitang may maayos ka ng pamilya.
Al:  Sa amin puwede kaming magkaroon ng asawa nang higit pa sa isa.  Mahal na mahal kita hanggang ngayon.  Hindi ako tumitigil sa pagtatanong-tanong kung nasaan ka.
 
Anna:  Sadya akong nagpakalayo-layo at nanahimik, para makalimutan ang lahat. Gustuhin ko man ang hanapin ka din, wala na akong lakas ng loob, dahil wala na akong maipagmamalaki sa iyo noon.
Tinawagan ni Al si Anna, mula sa Middle East, kung saan doon na ito nakabase pati na rin ang pamilya nito.  Nagkaroon sila nang maayos na pag-uusap. Naipangako sa isa’t-isa na mananatili silang maging magkaibigan.  Hindi na din sila muling  nagkausap, dahil na rin sa hiling ni Anna.  Ayaw ni Anna na maging magulo ang sitwasyon, dahil natityak ni Anna sa puso niya, na hanggang sa alaala na lamang niya si Al. Na naging bahagi ng kanyang buhay at mga pangarap noon.


No comments:

Post a Comment