(google/NoOtherWoman) |
Isa kang putah!
Malandi at mas makati ka pa sa bunga ng gabi!
Isa kang mang-aagaw!
Malandi at mas makati ka pa sa bunga ng gabi!
Isa kang mang-aagaw!
Iyan ang kadalasang linya ng mga legal
wife. Ikaw ba naman ang iwan ng iyong mahal na asawa at malaman na
sumama sa iba; sigurado grabe ang sakit ng pakiramdam.
Teka muna, para doon sa mga buo ang paniniwala sa Sampung Utos ng Diyos; halos para ka na rin nilang ipinako sa krus kapag ikaw ay kanilang hinusgahan. Pero hindi mo naman talaga sila masisisi; kahit saang anggulo ng buhay titingnan ay isa kang mang-aagaw.
Ito ang napakalaking pagkakamali o desisyon na iyong pinili sa buhay, ang maging otherwoman o kabit. Iyong iba nga ay halos ituring ka na nilang kriminal. Isinusuka ka na nga ng iyong mga kadugo, dahil sa isang malaking kahihiyang dala mo sa buong pamilya o angkan mo. Pati na rin ang lahat ng mga kakilala mo at mga kaibigan ay halos ipako ka na sa krus.
Maling-mali nga naman; alam mo nang may
pananagutan na ang iyong karelasyon, pero sige ka pa rin. Kaunting drama
lamang sa iyo at nagpapanggap silang inaabuso. Nandiyan iyong hindi na
raw masaya sa kanilang asawa, dahil hindi na nagkakasundo at marami
pang iba’t-ibang dahilan. Mga dahilan para lamang makuha ang simpatiya
at awa o lambot ng puso ng isang babae. Ang babae ay sadyang malambot
ang puso at maawain.
Mayroon namang biktima ng kasinungalingan. Mga biro na nauwi sa seryosohan dahil nagkapalagayan na nang loob. Mayroong naniwala na binata si Romeo kaya nadala naman si Juliet; naniwala dahil ipinakilala na sa angkan.. Ayun kahit nabisto na itong si Romeo, wala nang urungan dahil masarap nga daw ang bawal. Ayun, dalawa lang ang kinapuntahan. Mayroong nasira na pamilya o mayroong nasirang kinabukasan at nadagdagan pa ang mga solo mother. At nadagdagan na rin ang mga kaawa-awang mga musmos na lalaking walang kikilalaning ama.
Pero, ito naman ang apela ng mga other woman o kabit. Nasa 5, 8, 10, 15 o 20 years na daw hiwalay ang lalaking kaniyang nakilala at nakarelasyon. Ang asawa ng lalaki ay may sarili na ring pamilya at may sarili na itong mundo. Nagkasundo sila ng legal wife na free na silang maghanap ng taong kanilang mamahalin. Hangad din nito na siya ay lumigaya. Ngunit, mahal naman ang annulment; kaya ang ending hindi siya kayang pakasalan at bigyan ng pangalan; para matawag na legal wife na rin siya. Kaya ayun, kabit pa rin ang title ng kawawang dalaga.
Ang isang scenario naman ay ganun din. Matagal nang magkahiwalay at nag-uusap at nagkikita na lamang dahil sa mga anak. Marami silang mga hindi mapagkasunduan noong sila pa at nag-decide na magkanya-kanya na lamang. Responsible father pa rin naman ito sa kaniyang mga anak. Iyon nga lang, wala pa rin siyang kakayahang pakasalan ang babaeng naging kasundo niya sa lahat nang bagay; dahil ayaw naman pumayag ng ex-wife ng annullment. Kay ayon, kabit na naman ang title ng kawawang babae.
Hindi lahat ng kabit ay masama. Mayroong
mga kabit o other woman na handang magtiis at magsakripisyo. May mga
kabit na minamahal ang mga anak ng kaniyang boyfriend. Itinuturing niya
itong mga tunay na anak na rin alang-alang sa pagmamahal sa ama nito.
Ang mga anak din ng lalaki ay close sa kabit ng kaniyang tatay. Halos
magkasundo silang lahat at open ang kanilang communication. Si kabit pa
ang nagpapaalala sa lahat ng mga obligasyon ng kaniyang boyfriend sa
mga anak. Si kabit pa ang nag-aayos ng mga pangangailangan nito pati sa
pag-aaral ng mga anak ng lalaki. Sobrang dakila ni kabit magmahal,
pero hindi kayang burahin ng kaniyang mga kabutihang ginagawa ang
pangmamata at pang-alipusta sa kanya bilang isang kabit.
Ang pag-ibig ay mahiwaga. Dumadating ito sa pagkakataong hindi inaasahan. Kusa itong nararamdaman sa tama at maling panahon. Madalas kahit alam na nga itong mali, pero mas nananaig pa rin ang pagmamahal na nararamdaman ng bawat isa. Mga tamang pagmamahal daw sa maling panahon at pagkakataon. Pagmamahal at pag-aaruga sa isang taong huli na dumating sa kaniyang buhay.
Napakahirap ng kalagayan ng isang other woman o kabit na tinatawag. Kabit dahil hindi kayang pakasalan ng lalaking mahal. Mahirap at kawawa ang sitwasyon ng isang kabit. Nandiyan ang feeling of insecurities dahil nga hindi kayo kasal. Nandiyan ang pagtitiis na mayroong kahati sa pagmamahal ang inyong mga anak. Diyan rin pumapasok ang pagtitiis sa pinansyal na estado dahil hindi ninyo solo. Hindi kasi maaring pabayaan nito ang naunang pamilya na suportahan. Nariyan din ang pagseselos na madalas ay sinasarili na lamang; selos kapag alam mo na magkasama sila ng kaniyang mga anak. Nandun din ang scenario na kapag ipinakilala ka sa mga kamag-anak o circle of friends ng iyong boyfriend ay laging nasa buntot ang pangalan ng kaniyang ex-wife.
Kahit saang sulok ng mundo, ang kabit ay mananatiling kabit sa mata ng mga mapanghugang tao at kapaligiran nito. Ang pagiging kabit ay mananatiling napakalaking kasalanan sa Diyos. At hindi natin alam kung ano ang naghihintay na kaparusahan nito sa langit. Pero, siguro naman kahit isa kang other woman o kabit at iyon lamang ang iyong nagawang napakalaking kasalanan, siguro naman ay mapapatawad din ng Diyos. Mapapatawad kung sinisikap mo namang gumawa araw-araw ng kabutihan sa iyong kapwa. Higit sa lahat, ilalagay mo ang iyong sarili kung saan ka dapat lumagay. Huwag maging madamot sa mga anak ng iyong boyfriend.
At siguro naman, hindi mabigat na kasalanan kung isa ka ngang kabit o other woman, kung alam mo na talagang may kanya-kanyang buhay na ang dating mag-asawa at hindi ka nakikihati o nakikiamot lamang.
Paano rin kaya kapag ang babae ay niloko
ng kanyang asawa, hiniwalayan ito para sa ibang babae at tuluyang
kinalimutan? At ang kawawang asawang babae ay luhaan nang iniwan;
nakatagpo ng isang tapat magmahal na lalaki binata, pero hindi rin
kayang magpakasal dahil kasal sa una si babae. Other woman pa rin ba
ang tawag dito? Dahil nagsasama sila nang hindi kasal? O ang binatang
lalaki ang may titulong Other man o kabit?…..Pero mas kilala sa lipunan
ang mga babae bilang other woman o kabit.
Sa lalaki, wala pa akong naririnig na tinawag na OTHER MAN.
No comments:
Post a Comment