Oct 25, 2012

Ang Lihim Sa Loob Ng CR ( True Story )

google:brothersoftimage
Gabi na pala hindi ko na naman namalayan ang oras.  
Umakyat na ako sa ika-apat na palapag ng Townhouse Unit, kung saan kami nakatira.  Ang ibaba at hanggang 2nd Floor kasi ay opisina.  Ang 3rd Floor naman ay kitchen at bodega.

Tatlo lamang kami na mag-iina na nakatira, nasa malayo kasi si hubby at iisang room lamang ang ginagamit namin.  Wala pa naman si Hubby kaya hindi ko muna pinalipat sa kanilang room ang aming dalawang anak.  

Tulog na ang dalawa kong anak nang binuksan ko ang pinto.  Ibinaba ko lamang ang aking mga gamit at diretso na akong pumasok sa CR; para naman  sa aking panggabing seremonyas. Nakatuwaan ko na maglagay ng facial mask. Tanging mga butas ng mata, ilong at lips ang walang kulapol na makapal na kulay puti. Mas matindi pa sa espasol ang itsura ng mukha ko..

Kailangan ibabad ng 15 minutes kaya naglinis muna ako ng CR, ini-0ff ko ang ilaw sa CR dahil maliwanag naman ang ilaw sa labas at kita ko naman ang nililinis ko.

Kapag nakatalikod ako sa pinto ng CR at nakaharap sa salamin, madilim ang mukha na makikita ko, salungat kasi ako sa ilaw.  Nawili ako na magkuskus ng tiles nang bigla akong nakaramdam nang pananayo ng aking mga balahibo. Pakiramdam ko, mayroon na naman akong kakaibang kasama ng mga oras na iyon sa loob ng room.  Pakiramdam ko nakatingin lamang ito sa akin, kaya hindi ako lumilingon sa likod ko.  Takot ako na baka sa aking paglingon ay mayroon akong makikita na kakaibang nilalang ( may 3rd eye kasi ako )

Hindi talaga ako lumingon. Sige lang ako linis. Binabalewala ko ang aking nararamdaman, ngunit talagang kakaiba na at nangangapal na ang aking mukha at lumalaki ang ulo ko sa pakiramdam ko.  Pinagpawisan na ako nang mainit at malapot. Natapos na ako iskuba ng tiles sa lapag at babanlawan ko na ito ng tubig.  Inuna ko ang Toilet Bowl at sumunod ang lababo, idineretso ko na ang aking katawan; tumayo na ako sa position na kung saan nakatuwad ako sa pag i-iskuba.kanina.

Pagtayo ko, hindi sinasadya napatingin ako sa salamin dahil nasa tapat din ito ng lababo at nakaharap sa akin. Nakita ko! Isang puting-puti na mukha at bilog ang mga mata na maitim pati labi. Ang bilis ng pangyayari hindi ko alam kung ano ang tunog ng aking pagsigaw.  O baka ang totoo eh hindi talaga ako sumigaw kasi hindi naman nagising ang aking dalawang anak.  Basta ang alam ko, sumigaw ako at kung paano ako nakatakbo palabas ng CR at ng kwarto ko, iyon ay hindi ko na alam

Nakarating ako ng 2nd floor takbo galing sa 4th floor. Halos mamatay ako sa hingal at nangatog ang aking mga buto.  Hindi ko alam parang naihi din yata ako noong panahon na iyon.  Pakiramdam ko nalaglag ang aking puso sa dating kinalagyan nito,  Napatigil ako at napa-upo sa hagdan.  Bakit nga ba ako natakot, eh di ba sanay na ako sa mga ganitong pangyayari? 

Nang mahimashimasan ako....naisip ko bigla, Shit!.Ako pala iyong nakita ko! Sariling mukha ko nga pala iyong maputi na mukhang multo na nakita ko sa salamin sa loob ng CR.  Naalala ko na makapag nga pala ang pagkalagay ko. Dahil sa kapal at ang naiwan lamang na walang puti ay ang aking mga mata at labi.
Mabuti na lang wala akong sakit sa puso at kung hindi na todas na ako dahil sa aking kagagawan rin.

Lesson? Huwag kalilimutan na may nakakulapol pala na semento sa ating mukha at baka tulad ko, matulad din kayo sa akin.  Ang masaklap at baka ikamatay pa ninyo ito kapag sa inyong pagtakbo eh nahulog o nadapa kayo at nabagok,  O 'di kaya ay maysakit ka sa puso at bigla ka na lang atakihin.  O maaari din na pati ang iyong mga kasama ay napatakbo rin dahil sa takot.

Happy Halloween!

“Sana Nga! Para For Good Na Ako Sa Pinas, Mare” (Dream ng Bawat OFW at Pamilya Nito) Part 7-House/Room For Rent

Photo Credit: Google/ For rent
"House and Room for Rent"

Opo, alam n'yo ba na ito ang pinakagusto ko sa kahat na gawing negosyo?
Sabi ko nga, kapag bigyan ako nang chance na manalo sa Lotto; ang unang-una na bibilhin ko ay mga apartment na for sale.  Maari rin na vacant lot at aking patatayuan ng up and down na apartment.  Kapag malaki ang napanalunan eh puwede na rin ang townhouse unit hehe.  

Libre naman ang mangarap kaya, huwag mahiyang mangarap at magkaroon nang malaking ambisyon sa buhay.  Malay mo, malakas ka pala kay God at ipagkaloob sa iyo ang iyong gusto.  Pero, tandaan natin lagi na si God lamang ang nagbibigay nang guide sa atin; siya ang ating takbuhan kapag down na down tayo ( totoo 'di ba?...lalapit lamang ang karamihan sa atin kapag may kailangan)

Tayo pa rin ang dapat kumilos.  Tayo pa rin ang kailangang magtiis at magpakahirap  para sa katuparan ng ating mga pangarap sa buhay.  Kung maghihintay lamang tayo sa swerte na tinatawag at nakatambay lamang tayo sa loob ng ating bahay, siempre lilipas ang mga araw na walang mangyayari.  Hindi naman kasi isinasaboy ang swerte kundi kusa natin hinahanap at kailangang i-descover.

Paano nga ba magkaroon ng ganitong hanapbuhay ang isang ordinaryong mamayan o isang OFW?
Simple lamang at praktikal na pamamaraa at pagpaplano ang gagawin, tulad nang mga sumusunod:

1. Kung malaki ang iyong bahay at sobrang maluwag para sa inyong pamilya, magdagdag ng isang room kung saan maari mo itong paupahan o gawing boarding house.  Sa probinsya ay uso na rin ang for rent na room o bahay.  Lalo na kung malapit ka sa school o university.  Ang uupa sa iyo ay mga teachers at estudyante na malayo ang tinitirhan.  Isang relative ko, ganun ang ginagawa sa isang baryo, tumatanggap
siya kada buwan ng renta. Depende ito sa kung gaano kalaki o ano ang itsura ng iyong pinauupahan.

2  Kung mayroon ka din isang bakanteng lote at uso sa inyo ang mga paupahan, maari mo itong patayuan nang isang box type na bahay.  Parang row house o duplex na simple lamang.  Kung member kayo ng HDMF o Pag-ibig, maari kayong mag-apply ng House Construction.  Collateral mo ang land title na iyong lote.  Ang mode of payment ay depende sa iyo kung ano ang iyong pipiliin na magaan para sa iyo.
Mayroon akong isang kaibigan sa Las Pinas at may bakante pa siyang lote sa harap ng bahay nila. Sa halagang 500K 2years ago, nakapagpatayo siya ng 4door box type na bahay.  Ang 4door na iyon ay pinarentahan niya ng P 3,500/mo.  Mayroon siyang income na P14k/mo. Within 3 years bawi na niya ang lahat ng ginastos niya.  May bahay na siya at nag-generate pa ito ng income.

Tulad ko, mayroon akong inuupahan na apartment 2 bedrooms up and down. Nakatira dito ang aking mga tauhan sa canteen,  Ang isang room ay pinaupahan ko ng P4200.00 at ang isa naman ay may 4 na boarder at 1500/head.  Ang 4 ko na 5 tauhan ko ay panggabi at pang araw ang ilan sa kanila.  Naisip ko sayang naman na malaki ang house at sila lamang ang nakatira. Sa ground floor kusina at sala nilagyan ko ng double deck at doon natutulog ang aking mga tauhan.  Working lahat ang aking mga boarders kaya sa gabi lamang mayroon tao ang bahay.  P8k ang rent ko at ang electric at water ay nasa 2k lamang, kaya kunti na lamang abuno ko.  Hindi ko na kailangang kunin sa aking sariling bulsa o sa aking canteen ang pangrent sa house na iyon.

Dahil sa ideya ko na ganun, sa-save ko na ang pera na dapat ay pambayad sa rent.

Kailangan lang natin maging wise sa lahat nang ginagawa natin disisyon sa ating buhay.  Huwag natin iasa ang ating sariling pag-unlad sa iba.  Huwag rin nating isisi sa iba ang kahirapan na mayroon tayo o pinagdaraanan natin.  Tayo ang mayhawak sa ating sarili, tayo ang masusunod at nakakaalam kung ano ang makakabuti para sa atin.  Kailangan lamang natin maging positibo lagi sa buhay at huwag hayaan ang mga negative na mamayani sa ating sarili.

Iba ang saya at kaligayahan kapag tayo ay umuunlad dahil sa ating sariling pagsisikap at pagbabanat ng buto.

Oct 21, 2012

“Sana Nga! Para For Good Na Ako Sa Pinas, Mare” (Dream ng Bawat OFW at Pamilya Nito) Part 6-Mobile Store

(google/rolling store)
Here I am again...

Kamusta na sa lahat ng aking mga follower, na may mga balak pasukin ang negosyo pag-uwi.  Mga negosyong gusto umpisahan at ipa-manage sa pamilyang naiwan.

Tulad nang promise ko, bibigyan ko kayo nand idea.  Mga Idea na maari ninyong i-apply o kung saan kayo maaring makakuha nang mga ilang tips na mula sa akin.

Part 6 na po tayo at ang gusto kong ibahagi sa inyo ay ang MOBILE Store.  Maari din itong tawagin na Rolling Store.  Pero, mas sosyal kapag Mobile Store (parang celphone ang dating di ba?..hehehe)

Itong Mobile Store ay applicable sa mga probinsya at sa mga subdivision dito sa kamaynilaan. Pati na rin sa mga karatig na mga lugar ng kamaynilaan.

Unang-una kailangan mayroon kang sasakyan na Multicab na 2nd hand in good condition worth 150-180k o L300 FB, 2nd hand lang din halos magkalapit lang ang price nila.  Kung mayroon kang Van maari din itong gamitin. Mas madali na para sa iyo ang mag-umpisa na pasukin ang negosyong ito; kailangan mo na lamang ang puhunan para sa ilalagay mo sa Mobile Store.

Nakikita ko sa ilang subdivision sa Cavite ang may ganitong style ng "Sari-Sari Store".  Kinakausap nila ang homeowners assn. para payagan sila na pumasok sa loob ng bawat subdivision.  Kapag nasanay na ang mga suki at alam na nila kung anong oras dumadating ang Mobile Store, mga nakaabang na ang mga ito sa pintuan.  Minsan naman ang isang Mobile Store ay nasa isang lugar lamang kung saan pinayagan ng homeowners o guard na siya ay pumuwesto araw-araw.

Ang maari mong ilagay sa iyong MObile Store ay mga basic needs.  Mga pang araw-araw na kunsumo, hindi lamang mga groceries; isama mo na ang bigas, karne, cold cuts, isda at gulay.  Kaya kailangan ay Multicab or L300 para sa 2 cooler. Isang pang isda o seafoods at isang para sa mga karne at cold cuts.  

Maari din itong gawin dito sa Maynila sa loob ng mga subdivision. Mayroon akong kilala na dito halos umasenso. Ang una nilang sasakyan ay Owner Type Jeep. Mayroon mga styro lamang na puno ng yelo at ang mga tinda nila ay mga sugpo, hipon, pusit at may kasamang karne. 3x lamang nila itong gawin sa loob ng isang linggo. Namamakyaw sila sa Malabon. Ang natitirang araw ay iba naman ang dinadala nila or itinitinda nila, bigas at gulay na mula sa Divisoria.  Nakapagpatapos sila ng 4 na anak, 2 Engr's, 1 nurse at 1 Doctora.

Sa Probinsiya naman, ang target ay ang mga baranggay na malalayo sa bayan. Wholesaler naman ang iyong papel at ikaw ang magdadala sa mga tindahang maliliit ng mga paninda na ilalagay din nila sa kanilang mga sari-sari store.  By schedule din ang mga lugar na iyong pupuntahan, para alam na nila kung kailan ka darating.  Maari kang magbigay ng terms of payment sa kanila, puwedeng weekly lamang at may limit

Sa negosyo, hindi kailangan na mag-umpisa ka sa malaking puhunan.  Hindi mo maaring ubusin o ilagay lahat sa iyong negosyo ang iyong naiipon.  Tandaan na nasa expirement level ka pa lamang, kumbaga parang nangangapa ka pa dito. Kailangan lamang ang lakas ng loob at huwag patatalo sa hina ng loob.  Lahat ng negosyo ay hindi kumikita kaagad. Kailangan mong magbilang ng ilang buwan bago mo ito maramdaman.

Tulad ng lagi kong sinasabi, sa negosyo kailangan ang control.  Hindi maaring gumastos ka nang lampas sa kinikita ng iyong negosyo.  Maglaan ng tamang halaga bilang iyong sweldo.  Ituring na ikaw ay isang trabahador din na kailangang tumanggap ng kabayaran sa iyong serbisyo.  Tulad ko, sa aking canteen mayroon akong sweldo na P200 araw-araw.  Sa aking maliit na kumpanya tumatanggap din ako ng sweldo at doon ko kinukuha lahat ng aming pangangailangan pati na rin ang pang tuition ng aming mga anak.

Kung ikaw ay may mga katuwang na kapamilya sa iyong negosyo, laanan rin sila ng suweldo; kung paanong pasusuwelduhin mo rin kung sino man ang tauhan na iyong kukunin.  Makatitiyak ka na may sigla ang paggawa kung may karampatang balik, di ba?

Lakipan ng smiles at positibong pag-uugali ang papasuking negosyo.  Goodluck!

Kabayan, Mag-Ingat Ka Sana….(FB Sex Photos Scandal)

(dorcenmm)
(Ito ay isinulat upang magbigay babala o paalala sa mga kababaihan (o sige, pati na rin sa mga kalalakihan ^_^) dahil ilang oras pa lamang ang nakararaan  ay may sex photos na nagsi-circulate sa mundo ng   Facebook.  Ang biktima ay isang kawawang OFW na nagkaroon ng relasyon sa ibang lahi o nationality.

Hayyy… buhay nga naman.  Patulog na sana ako nang biglang nag-pop-up ang FB inbox  ng aming group.

“Help!… Please, help me! Paki- report naman itong taong ito“…mula sa isang kaibigan.

Dali-dali ko itong nilagay sa search engine, bumungad kaagad ang reason kung bakit nagpanic ang aking kaibigan at kailangang i-report ito.

Nagulat ako.  Sobrang shock.  Mabilisan kong binasa isa-isa ang mga comments sa bawat picture.  Hindi pandidiri ang aking nararamdaman.  Mas lalong hindi galit o panlalait sa babae na nasa picture.  Ang tanging nararamdaman ko nang oras na iyon nang tinitignan ko ang mga pictures at mga comments ay  AWA.
Tama, sobrang awa ang aking naramdaman. Tila batid na ng babae ang iskandalong ginagawa ng kanyang ex-bf na foreigner.    Ang kanyang boyfriend na ibang lahi ay tila gumawa ng FB account sa pangalan ng babae, kung saan ang kanyang mga kaibigan ay tila naging friend na rin ng kanyang ex noong panahon nila. Nag-upload ito ng mga napakaprivate photos nilang dalawa at mayroon pang mga solo nude.  Lahat ng mga photos na sobrang SPG ay open to the public at naka-tag pa sa mga kaibigan ng babae (at marahil pati sa mga kamag-anak?) base sa comments ng babae na itinag ang mga ito sa iba-ibang kaibigan nila at hindi niya maidelete    Hanggang sa ngayon, ilang oras pa lamang ang nakalilipas ay very sensational ang FB account na iyon.  Sana ay maialis agad ang mga iyon sapagkat ito ay personal defamation.

Sa aking pagbabasa sa ilang comments doon, napagtanto ko na salbahe ang boyfriend ng babae at ilang beses na niya itong iniwan. Pero nakipagbalikan pa rin itong biktima na Pinay. Pinagbibintangan din siyang kinuha niya ang pera ng boyfriend niya.  Nagalit ang boyfriend niyang dayuhan dahil sa pag-iwan nito sa kanya.  Sa madaling salita, na BLACKMAIL ang kawawang Filipina.  At ito nga ngayon, kalat na kalat na sa FB ang mga napakapribadong pictures nilang dalawa .
Hindi masama ang makipagrelasyon sa mga banyaga.  Lalo na kung ikaw ay single naman o walang iniwan na pamilya dito sa Pilipinas.  Pero, kailangan ang matinding pag-iingat.  Tandaan natin na hindi natin sila kalahi; maaari nila tayong gawan ng mga bagay na maaari nating ikasira.  Kung sa kapwa kababayan nga natin magkaminsa’y nagiging biktima  tayo, sa iba pa kayang lahi  na lantad ang sobrang pagmamaliit sa mga Pinay?

Kung sakali man na talagang tunay ang inyong relasyon bilang dalawang taong nagmamahalan, maaari naman na huwag kang pumayag na pati pakikipag-sex  ay kukuhanan pa ng picture o video.  Hindi ninyo hawak ang isip ng inyong karelasyon.  Walang kasiguraduhan na laging may dignidad at kabutihan ang karelasyon.  Hindi natin hawak ang bawat bukas.  Paano kung tulad nito,  hindi na maayos ang takbo ng relasyon, nagdesisyon ka na iwanan mo at ayaw pumayag? Ito ang resulta – ikinalat ang inyong pictures/videos, nalagay ka sa napakalaking kahihiyan.

Ilang personalidad na rin ang naging biktima ng katulad nito.  Ilang ordinaryong mamamayan na rin ang nasangkot; hindi lamang sa mga pictures ito nangyayari.  May ilang nagkuwento na rin tungkol sa mga porn sites kung saan ang iba ay mga biktima ng mga foreigner na mahilig makipagdate sa Pinay at ibang lahi.  Papuntahin sila sa hotel o sa kanilang condo, hindi alam ng babae na may naka set-up pala na video.  Magugulat na lang ang biktima, kapag may nakapagbalita na siya ay nasa porn site.  Minsan na ring nalagay sa mga balita na ang mga walang kamalay-malay na biktima ay may kumalat na palang sex videos sa Quiapo!  Oh my gulay!!!  *_*

Marami din akong kamag-anak, kakilala at kaibigan na ang asawa ay foreigner, kaya hangga’t maaari ay ayaw kong manghusga sa pagkatao ng bawat isa.  Pero, ang buong katotohanan ay nasa harapan natin.  Marami ang umaabuso sa ating mga Pinay; hindi rin natin kasi masisisi ang iba, dahil sobra tayong magtiwala at isa iyan sa ugali ng Pilipino. Kahit  pagdating sa usaping pag-ibig at talagang mahal natin, sobra tayong nagtitiwala.  Ang iba naman ay dahil sa karangyaan na maaaring maibigay ng dayuhan, kaya naman nagagawang makipagrelasyon sa mga taong inakala nila ay makapagbibigay sa kanila ng kaginhawaan.
Pakiusap:  Mahalin sana natin ang ating pagkatao at pagkababae.  Dagdagan ang pag-iingat sa pakikipagrelasyon.  Huwag ilagay ang sarili sa mga sitwasyon na maaaring ikapahamak natin. Hindi po lahat ng mixed marriages or mixed relationships ay nagtatagumpay.  Ang karakter po ay napakahalaga; matuto sana tayong kumilatis ng taong ating pagkakatiwalaan!  Mapabanyaga man o kababayan.
Ibayong pag-iingat lamang po sa ating mga sarili.  Hindi lamang para sa ating sarili kapakanan, kundi respeto na rin natin sa ating buong kapamilya.

(As of this writing, ang sama-samang pagsuplong o pagrereport sa naturang defamation ay nagbunga na ng pagkakaalis sa naturang scandalous account at photos.  Salamat sa mga nagresponde sa panawagan bilang tulong sa ating kababayan.  Sana lang ay wala nang nag-save ng mga photos na iyon!  *_*)

Minsan May Isang Ama At Mga Kuya….

(Photo credit:jagran.com/another minor raped)
“Itayyyyy…..huhuhuhu, parang-awa mo na po.  Itay….tama na po”

Ang paulit-ulit na pagmamakaawa ni Lisa sa kaniyang ama.
Si Lisa ang panganay sa tatlong magkakapatid na babae.  Lima silang magkakapatid; dalawa ang lalaki na mas nakatatanda sa kanila.  Ulila sa ina at lumaki sila sa poder ng kanilang ama at mga kuya.

Isang lihim na hindi sinasadyang nalaman ko.  Sa murang isipan ko, alam ko na mali ang mga nangyayari sa kapaligiran na nakikita ko.  Natakot ako sa aking nasaksihan; hindi sinasadyang napasilip ako sa butas ng dingding ng kanilang bahay, at dahil sa impit na pag-iyak na narinig ko.
Isang eksena na alam ko ay ginagawa lamang ng mag-asawa.  Alam ko at kitang-kita ko kung sino ang dalawang tao na nasa ganoong kalagayan; si Ona at ang kaniyang ama ang kitang-kita ko na nasa papag, hubo’t hubad sa katanghaliang tapat. Impit ang mga iyak ni Ona.  Si Ona ay siyam na taon gulang lamang.  Tumakbo ako papalayo na takot na takot. Tikom ang aking bibig at wala akong pinagsabihan sa mga nakita ko. Sobra akong natatakot, kaya hindi rin ako nagkalakas ng loob na magsumbong sa mga magulang ko.
Dahil likas akong gala noon; kapag nagsawa akong manguha ng mga sea shell, buko o bayabas naman ang mga kinukuha ko sa kasukalan.  Habang nangunguha ako ng mga bunga ay mayroon akong naririnig na parang nag-uusap.

“Kuya, tama na po!”  Pamilyar ang tinig niya sa akin.

 “Parang awa mo na, Kuya,” ang boses na naririnig ko; nagmumula ito sa may likod ng natumbang puno ng niyog. Isang puno ng niyog na noong natumba ay nakagawa ng isang medyo may kalaliman na uka sa lupa  noong may malakas na bagyo  Umakyat ako sa puno ng niyog nang  walang kaingay-ingay.  Kitang-kita ko kung ano ang kahayupang ginagawa ng kuya ni Lisa sa kanya. Ang isang kapatid naman ay nasa isang tabi lamang, nakatingin at umiiyak habang hawak ang hinubad na damit.  Halinhinan nitong ginawan ng kasamaan ang dalawang magkapatid.  Kung hindi sa loob ng kanilang bahay, nangyayari ito sa kasukalan; kung saan inaaya nito ang mga kapatid para manguha ng kahoy.   Mabilis akong bumaba sa puno at dahan-dahang lumayo sa lugar na iyon.  Umiiyak ako sa takot.  Naiisip ko rin ang katabing itak na sobrang kintab sa paghasa.

Pansamantala lamang kaming tumira sa lugar na iyon noon.  At bihira lamang ako pumunta  dahil nag-aaral ako noon at nakatira ako minsan sa aking lola.  Sa paminsan-minsan kong pagbisita sa lugar na iyon, hindi lamang iilang beses na naging saksi ako sa mga kahayupang pinaggagawa ng mag-ama sa kaawa-awang magkapatid na babae.  Oo, mistula silang mga hayop na mag-ama.  Ama, na dapat ay nagmamahal sa kaniyang mga anak na babae bilang isang mabuting ama.  Mga kuya na dapat ay nagsisilbing tagapagtanggol ng kanilang mga kapatid na babae…..pero ito sila, mistulang mga hayop.
Mga mababangis na hayop na kinakain ang sarili nilang dugo at laman.  Takot at awa ang aking naramdaman nang mga panahong iyon.  Pero sobra akong natatakot sa murang edad ko na iyon; wala akong sapat na lakas at kaisipan kung ano ang aking gagawin sa mga tagpong nakikita ko.

Normal naman sila kung kumilos sa sa harap ng mga tao. Walang bakas ng kamunduhan at kasamaan na nangyayari sa kanilang pamilya.  Ang magkakapatid na babae ay hindi mo kakitaan ng kakaibang kilos.  Siguro, pinipilit rin nilang maging natural at normal sa harap ng  mga tao sa labas ng pamamahay nila.
Lumipas ang ilang taon at nagdalaga na nang tuluyan at nagkanya-kanya nang buhay ang mga magkakapatid.  Nakakausap ko pa nga noon  ang dalawa sa magkapatid.  Naging maganda ang buhay ng ilan sa kanila at nakapag-asawa rin lahat.  Ang kanilang ama ay maaga noong nagbayad ng kahayupang ginawa sa kanila.  Isang malagim at masakit na kamatayan ang naging kabayaran.  Diyos na ang humusga sa kaniya, sa pamamagitan ng isang napakasakit na aksidente. Ang isang kapatid naman na lalaki ay nasangkot sa isang krimen at habangbuhay itong nakulong.  Pero para sa akin, kulang pa iyon na kabayaran sa lahat ng kahayupang kanilang ginawa.
Ang isa namang kapatid na lalaki ay wala na rin akong balita.  Hindi ko alam kung paano ito nagbabayad ngayon. OO…tama ka,  silang magkakapatid at mag-ama ang halinhinang nagpasasa sa murang katawan ng kanilang sariling dugo at laman.  Minsan pa nga, nasaksihan ko kung paano nila halayin nang sabay-sabay ang magkakapatid.  Habang ang isang kapatid ay umiiyak sa isang tabi.  Hindi ko maiwasang isipin na tuwing pagkagat ng dilim, ganuon ang eksena na nasa isip ko. Ang kahayupan na nangyayari sa loob ng pamamahay na iyon.  Piping saksi ang maliit na butas ng kanilang bahay. Nangyayari iyon tuwing alam na umaalis ang aking ama at ina para pumunta sa laot at mangingisda.  Labinglimang dipa lamang ang layo ng bahay nila sa aming bahay kubo.

Noong nandito na ako sa Maynila, dito ko nababasa sa diyaryo o minsan napapanood sa TV ang mga katulad ng kasong ganuon sa nakita ko.  At sa isip ko habang may nakikita ako at nababasa na ganoon, hindi maaring hindi ko maalala ang magkakapatid na iyon.

Oo, hindi ko nagawa ang ipagtanggol sila.  Hindi ako masisi dahil bata pa ako noon at takot ang umiiral sa akin.  Para sa akin, isang pangyayari iyon na Diyos lamang ang nakakaalam; SIYA lamang mas higit na may karapatang magbigay nang kaparusahan sa mag-ama.  Iniingatan ko na madamay ang aking pamilya sa maaring mangyari. Ipinagdasal ko na lamang ang kapanatagan nang loob ng magkakapatid na babae noon.  Ganoon man ang sinapit nilang magkakapatid,  tinahak pa rin nila ang mabuting landas.  Naging maayos ang kanilang buhay may pamilya ang kahuli-hulihang nabalitaan ko.

Kung maibabalik ko lamang ang panahon na iyon ngayon.  Hindi ako mag-aatubili na tulungan ang magkakapatid. Nabigyan sana ng tamang hustisya ang nangyari sa kanila.  Alam ko sa panahon ngayon, mayroon pang nangyayari na ganito.  Umiiral lamang ang takot sa mga panakot na ibinibigay ng mga walang puso. Napakarami na ngayon ang maaaring lapitan para hingian ng tulong.  Mayroon na ngayong makapagtatanggol sa kamay ng mga demonyo.   Mga batang kaawa-awa na biktima ng makamundong pagnanasa.  Gawain ng mga taong nabubuhay sa kadiliman at hindi na nakikilala ang Diyos.

Paalala:
Ito ay true story na ibinahagi naman ng isa kong kaibigan na ipinatago ang tunay na pangalan.  Isang kuwento na kaniyang nasaksihan at ibinahagi sa akin noon.  Ang mga pangalan ng mga tauhan ay sadyang pinalitan.  Kung may pagkakatulad man sa kuwento, mga pangyayari at mga pangalan na nabanggit, ito ay nagkataon lamang at  hindi sinasadya.

Minsan May Isang Manloloko, Sagot Ba Ay Abortion?

(Photo Credit: Psychologyface)
Si Bam, walong taon nang single mom; naitaguyod niya ang kaniyang anak at napaaral.  Salat man ito sa buhay, pero lahat ng pagsubok ay kaniyang nalampasan.
Naging mailap sa lalaki si Bam.  Sinubsob ang sarili sa anak na walong taon gulang at sa trabaho, umiikot ang mundo nilang mag-ina sa isa’t-isa.  Masakit man sa kalooban ni Bam, ang makitang naghahanap ang anak ng pagmamahal ng isang ama;  ngunit lahat ito ay tiniis niya dahil na rin sa kagustuhan na huwag na silang masaktan pareho. Sobrang manloloko kasi ang ama ng anak ni Bam.

Lumipas ang mga taon; hindi inaasahan ni Bam, na mayroong isang lalaki na halos hindi siya tinigilan para lamang mahulog ang loob nito sa kanya.   Muling binuksan ni Bam ang kaniyang puso. Dahil ang lalaking ito ay lumampas pa sa criteria na kanyang hinahanap sa isang lalaki.  Napakasipag, mabait, matalino, at halos lahat na ng hanap ng isang babae ay nasa kanya na.

Halos hindi na sila nagkakahiwalay dalawa. Nagkasundo na magsama na lamang; dahil mayroon daw hinihintay na petition si Peter sa kaniyang ate, kailangan ay single muna siya at hindi pa maaaring magpakasal.  Tiwala naman si Bam, labas-pasok na rin ang kapamilya ni Peter sa bahay nila.
Makalipas ang dalawang taong pagsasama ay nagbunga ang pagmamahalan nila.  Magkakaroon na si Bam ng pangalawang anak. Ipinaalam ni Bam kay Peter na buntis siya; at sa kaniyang pagtataka, bakit ito biglang natahimik.

Sinabi ni Bam na kailangan na nilang magpakasal, ngunit ang tanging tugon ni Peter ay sasama siya sa doctor kapag nagpa-check-up si Bam.  Natuwa si Bam. Pero sobrang ikinagulat ni Bam ang sinabi ni Peter sa harap ng Doctor.

Lalaki: “Doc, hindi pa kami ready.  Maaari mo ba siyang bigyan ng gamot para hindi matuloy ang kaniyang pagbubuntis?”
Parang bomba na sumabog sa pandinig ni Bam at naiyak ito sa galit at pagkabigla.

Doctora: “ Iho, nandito ako para bumuhay ng bata at hindi para pumatay!”

Hindi alam ni Bam kung paano siya nakalabas ng ospital.  Iniwan niya ang walanghiyang si Peter.
Mula noon hindi na kinakausap ni Bam si Peter at kaniya na itong pinalayas sa kaniyang pamamahay. Hindi matanggap ni Bam ang lahat na sa pangalawang pagkakataon ay naloko siya.  Siya na walang ginawang masama sa kapwa.  Isang mabait at masunuring anak at matulungin sa kapwa

Diyos na ang gumawa ng dahilan.  Hindi ugali ni Bam ang makialam sa gamit ni Peter; ngunit nang araw na iyon ay mayroon siyang hinahanap. Mayroon siyang nakitang resibo at pangalan ng school at may nakalagay na dalawang pangalan ng tao at kapangalan ni Peter. Pinaamin ni Bam si Peter.  Nasukol ito sa ginawang panloloko; may anak at asawa si Peter.

Ang babae ay nasa ibang bansa at ang mga anak ay nasa probinsiya naman.  Kaya pala malaya si Peter na makasama si Bam ng 24/7.  Ang mga kapatid at nanay naman ni Peter ay tahimik, mukha kasing pera ang mga ito. Piniperahan nila si Bam at si Peter, pati na rin ang mga kaibigang malalapit sa kanila.

Nabuhay ni Bam ang unang anak na walang tatay. Buo sa isip ni Bam na palalakihin niya ang kaniyang pangalawang anak tulad sa kaniyang unang anak sa lalaking niloko rin siya.  Oras ng panganganak ni Bam, dito na naghulagpos ang galit ni Bam nang sobra-sobra. Nanganak si Bam na kahit isang kusing mula kay Peter ay wala. Wala rin si Peter dahil mas inuna ang birthday sa anak sa tunay na asawa. Ang nanay pa ng manlolokong si Peter ang nagbantay sa hospital at may kapalit pala itong bayad mula kay Bam.
Sobrang napuno na si Bam dahil hindi lamang puso niya ang niloko at pati na rin ang kaniyang anak sa una.  Niloko din si Bam pagdating sa financial ni Peter, daan-daang libo mula sa kanilang mga sidelines ang hindi alam ni Bam ay kinuha na pala lahat ni Peter..  Noong nagkasakit at nag 50/50 ang panganay na anak ni Bam, ang inaasahan nitong sariling pera at commission ay kinuha na pala ni Peter; para sana pambayad ni Bam sa ospital.

Hindi nagsisi si Bam noong pilit niya itong hiniwalayan. Sa likod pala ng kabaitan ng lalaking ito ay nandun ang maitim na budhi.  Halos, magpakamatay, ilang beses na lumuhod ito kay Bam at pilit kinukuha ang kanilang anak.  Ngunit sa napakaraming panloloko na na-discover ni Bam sobra na itong isinumpa ni Bam at muntikan na ni Bam itong nasaksak.  Muntik nang makapatay si Bam para lamang sa kaniyang anak na pilit na kinukuha ni Peter..

Sa ngayon, ang lalaki ay nagkaroon ng anak na naman sa iba.  Nalaman ito ng tunay na asawa.  Si Peter ay patuloy na namamayagpag sa kaniyang propesyon. Parang hindi tinatablan ng karma. Sa mga panlolokong kaniyang ginagawa.  Inilayo na ni Bam ang kaniyang anak, para makaiwas sa brainwash ng kaniyang ama na manloloko.

Si Bam, masaya na sa kaniyang buhay. Walang pinagsisihan.  Masaya ito na kapiling ang kaniyang dalawang anak.  Nag-aaral ang mga ito sa pagsisikap ni Bam.  Hindi pinanghinaan ng loob si Bam sa kabila ng napakaraming pagsubok at hirap na kaniyang pinagdaanan.  Namuhay silang mag-ina na walang nilalapitan o hinihingian ng tulong. Dasal at paghingi ng kapatawaran ang tanging nasasambit ni Bam araw-araw. At ang patuloy na paghingi ng lakas ng loob mula sa Diyos.

Hindi nagkamali si Bam nang desisyunan na buhayin niya ang dalawang bata. Dahil alam ni Bam na kung pumayag siya na ito ay ipa-abort ng ama, sigurado na hindi ito ikatatahimik ni Bam.  Inisip ni Bam na napakalaking kasalanan sa Diyos ang abortion kaya ni minsan ay hindi ito sumagi sa isip niya.  Lakas-loob niya itong hinarap kahit umani siya ng panghuhusga sa mga tao sa paligid niya.  Bagkus ang kaniyang mga anak ang naging dahilan para umangat ang kanilang pamumuhay.

Isa Kang Other Woman ( Hindi Lahat Ng Kabit Ay Mang-aagaw)

(google/NoOtherWoman)
Isa kang putah!

Malandi at mas makati ka pa sa bunga ng gabi!

Isa kang mang-aagaw!
Iyan ang kadalasang linya ng mga legal wife.  Ikaw ba naman ang iwan ng iyong mahal na asawa at malaman na sumama sa iba; sigurado grabe ang sakit ng pakiramdam.

Teka muna, para doon sa mga buo ang paniniwala sa Sampung Utos ng Diyos; halos para ka na rin nilang ipinako sa krus kapag ikaw ay kanilang hinusgahan.  Pero hindi mo naman talaga sila masisisi; kahit saang anggulo ng buhay titingnan ay isa kang mang-aagaw.

Ito ang napakalaking pagkakamali o desisyon na iyong pinili sa buhay, ang maging  otherwoman  o kabit.  Iyong iba nga ay halos ituring ka na nilang kriminal.  Isinusuka ka na nga ng iyong mga kadugo, dahil sa isang malaking kahihiyang dala mo sa buong pamilya o angkan mo. Pati na rin ang lahat ng mga kakilala mo at mga kaibigan ay halos ipako ka na sa krus.
Maling-mali nga naman; alam mo nang may pananagutan na ang iyong karelasyon, pero sige ka pa rin. Kaunting drama lamang sa iyo at nagpapanggap silang inaabuso.  Nandiyan iyong hindi na raw masaya sa kanilang asawa, dahil hindi na nagkakasundo at marami pang iba’t-ibang dahilan.  Mga dahilan para lamang makuha ang simpatiya at awa o lambot ng puso ng isang babae.  Ang babae ay sadyang malambot ang puso at maawain.

Mayroon namang biktima ng kasinungalingan.  Mga biro na nauwi sa seryosohan dahil nagkapalagayan na nang loob.  Mayroong naniwala na binata si Romeo kaya nadala naman si Juliet; naniwala dahil ipinakilala na sa angkan..  Ayun kahit nabisto na itong si Romeo, wala nang urungan dahil masarap nga daw ang bawal.  Ayun, dalawa lang ang kinapuntahan.  Mayroong nasira na pamilya o mayroong nasirang kinabukasan at nadagdagan pa ang mga solo mother.  At nadagdagan na rin ang mga kaawa-awang mga musmos na lalaking walang kikilalaning ama.

Pero, ito naman ang apela ng mga other woman o kabit.  Nasa 5, 8, 10, 15 o 20 years na daw hiwalay ang lalaking kaniyang nakilala at nakarelasyon.  Ang asawa ng lalaki ay may sarili na ring pamilya at may sarili na itong mundo.  Nagkasundo sila ng legal wife na free na silang maghanap ng taong kanilang mamahalin. Hangad din nito na siya ay lumigaya.  Ngunit, mahal naman ang annulment; kaya ang ending hindi siya kayang pakasalan at bigyan ng pangalan; para matawag na legal wife na rin siya.  Kaya ayun,  kabit pa rin ang title ng kawawang dalaga.

Ang isang scenario naman ay ganun din.  Matagal nang magkahiwalay at nag-uusap at nagkikita na lamang dahil sa mga anak.  Marami silang mga hindi mapagkasunduan noong sila pa at nag-decide na magkanya-kanya na lamang. Responsible father pa rin naman ito sa kaniyang mga anak.  Iyon nga lang, wala pa rin siyang kakayahang pakasalan ang babaeng naging kasundo niya sa lahat nang bagay; dahil ayaw naman pumayag ng ex-wife ng annullment.  Kay ayon, kabit na naman ang title ng kawawang babae.
Hindi lahat ng kabit ay masama.  Mayroong mga kabit o other woman na handang magtiis at magsakripisyo.  May mga kabit na minamahal ang mga anak ng kaniyang boyfriend.  Itinuturing niya itong mga tunay na anak na rin alang-alang sa pagmamahal sa ama nito.  Ang mga anak din ng lalaki ay close sa kabit ng kaniyang tatay. Halos magkasundo silang lahat at open ang kanilang communication.  Si kabit pa ang nagpapaalala sa lahat ng mga obligasyon ng kaniyang boyfriend sa mga anak.  Si kabit pa ang nag-aayos ng mga pangangailangan nito pati sa pag-aaral ng mga anak ng lalaki.  Sobrang dakila ni kabit magmahal, pero hindi kayang burahin ng kaniyang mga kabutihang ginagawa ang pangmamata at pang-alipusta sa kanya bilang isang kabit.

Ang pag-ibig ay mahiwaga.  Dumadating ito sa pagkakataong hindi inaasahan.  Kusa itong nararamdaman sa tama at maling panahon.  Madalas kahit alam na nga itong mali, pero mas nananaig pa rin ang pagmamahal na nararamdaman ng bawat isa.  Mga tamang pagmamahal daw sa maling panahon at pagkakataon. Pagmamahal at pag-aaruga sa isang taong huli na dumating sa kaniyang buhay.

Napakahirap ng kalagayan ng isang other woman o kabit na tinatawag.  Kabit dahil hindi kayang pakasalan ng lalaking mahal.  Mahirap at kawawa ang sitwasyon ng isang kabit. Nandiyan ang feeling of insecurities dahil nga hindi kayo kasal. Nandiyan ang pagtitiis na mayroong kahati sa pagmamahal ang inyong mga anak. Diyan rin pumapasok ang pagtitiis sa pinansyal na estado dahil hindi ninyo solo. Hindi kasi maaring pabayaan nito ang naunang pamilya na suportahan.  Nariyan din ang pagseselos na madalas ay sinasarili na lamang; selos kapag alam mo na magkasama sila ng kaniyang mga anak.  Nandun din ang scenario na kapag ipinakilala ka sa mga kamag-anak o circle of friends ng iyong boyfriend ay laging nasa buntot ang pangalan ng kaniyang ex-wife.

Kahit saang sulok ng mundo, ang kabit ay mananatiling kabit sa mata ng mga mapanghugang tao at kapaligiran nito.  Ang pagiging kabit ay mananatiling napakalaking kasalanan sa Diyos. At hindi natin alam kung ano ang naghihintay na kaparusahan nito sa langit. Pero, siguro naman kahit isa kang other woman o kabit at iyon lamang ang iyong nagawang napakalaking kasalanan, siguro naman ay mapapatawad din ng Diyos.  Mapapatawad kung sinisikap mo namang gumawa araw-araw ng kabutihan sa iyong kapwa. Higit sa lahat, ilalagay mo ang iyong sarili kung saan ka dapat lumagay. Huwag maging madamot sa mga anak ng iyong boyfriend.

At siguro naman, hindi mabigat na kasalanan kung isa ka ngang kabit o other woman, kung alam mo na talagang may kanya-kanyang buhay na ang dating mag-asawa at hindi ka nakikihati o nakikiamot  lamang.
Paano rin kaya kapag ang babae ay niloko ng kanyang asawa, hiniwalayan ito para sa ibang babae at tuluyang kinalimutan?  At ang kawawang asawang babae ay luhaan nang iniwan; nakatagpo ng isang tapat magmahal na lalaki binata, pero hindi rin kayang magpakasal dahil kasal sa una si babae.  Other woman pa rin ba ang tawag dito? Dahil nagsasama sila nang hindi kasal?  O ang binatang lalaki ang may titulong Other man o kabit?…..Pero mas kilala sa lipunan ang mga babae bilang other woman o kabit.
Sa lalaki, wala pa akong naririnig na tinawag na OTHER MAN.

Ano?… Hindi Ka Na Virgin? (Huwag Mapanghusga)

(Photo Credit:  Freedigitalphotos)
Hindi na yata maiaalis sa buhay nating mga Pilipino na minsan ay nagiging mapanghusga tayo sa kapwa natin.  Napakadali nating mag-isip ng hindi maganda sa kapwa; at para na rin natin itong ipinapako sa krus.  Aminin man natin o hindi, pero iyon ang nagsusumigaw na katotohanan.  Hindi pa nga tapos magkuwento ang kaharap mo, ipinako mo na kaagad sa krus.
May kani-kaniyang dahilan ng pagkawala ng virginity, kaya sana huwag tayong masyadong mapanghusga.

Isang kaibigang nagkuwento sa iyo; iniwan ng kaniyang boyfriend dahil noong unang ginalaw siya, wala nang bleeding. Nag-isip ka at mayroong pagdududa sa sinabi ng kaibigan mo, hindi ba?
Bagong kasal, sa kanilang honeymoon biglaang naghiwalay o nagkalamigan.  Punong-puno ng pagdududa si mister.  Inisip ni mister na niloko siya ng kaniyang asawa; na hindi na ito donselya nang kanyang pakasalan.

Hindi ako nurse o doctor, pero mahilig akong magbasa.  Sa pagbabasa, marami tayong maaaring matutunan. Lumalawak ang ating kaalaman.  Mas nagiging makatotohanan ang ating mga nababasa, kapag ito ay mayroong pagpapa totoo.
Ibabahagi ko sa inyo ang kaalamang mayroong katotohanan mula mismo sa aking mga kaibigan o kakilalang naging biktima ng mga taong mapanghusga:

1.  Bisiklita       – Ang babae na mahilig magbisikleta ay kadalasang wala nang bleeding during the intercourse.  Sa katagalang paggamit ng bisiklita, ang upuan nito at pagpe-pedal ang nagiging dahilan para mag-stretch ang hymen ng isang babae.

2.  Accident      -a) naaksidente dahil sa bike, sigurado ang pagkasira ng hymen nito lalo na kung nagkaroon ng bleeding.  Ibig sabihin nito ay napunit ang manipis na laman. B) Nahulog sa puno, sa puno ng niyog o kadalasan sila iyong mga mahihilig umakyat sa mga matataas na puno at aksidente sa kanilang pagbaba ay nadulas, nasalabid ang kabilang paa o hita.  Dahilan para mapunit ang hymen at magkaroon ng bleeding.

3.  Tampon       – Ito ay isang napkin din, pero ito ay parang gasa.  Hugis sigarilyo, pero malaki nga lang ang bilog nito.  Ipinapasok mismo ito sa private part ng babae at ang tanging makikita lamang ay ang kapirasong malaking sinulid.  Huhugutin ito kapag alam na puno na.  Kapag ito ang laging gamit, sa katagalan nae-stretch na ang hymen ng babae.  Kaya naman kadalasan hindi na nagkakaroon ng bleeding.

4. Masturbation  – Aminin man natin o hindi, kasabay ng pagbabago ng panahon at  teknolohiya, maraming kabataan na ang curious at gumagawa nito.  Maaaring sa simula, hanggang labas lang. Ngunit kalaunan ay maaaring natutukso nang mag-eksperimento nang mas malalim pa. Lalo na ngayon na open to the public na ang mga “sex toys” na kahit sa mga bangketa sa Quiapo. Avenida, Recto ay makikita ito.  Ang paggamit ng mga “laruang” ito ay nakawawala ng virginity ng isang babae.

5. Born without Hymen – Kahit ako, nagulat ako nang mabasa ko ito.  Before kasi ako magsulat ng blog, kapag mayroong involved na pang-siyensya, nagbabasa-basa muna ako nang sa ganoon ay mayroon akong basehan at hindi lamang sa mga kuwento kung ito ay hindi ko mismo naranasan o hindi ko karanasan.  Ayon sa nabasa ko, out of 10m mga tatlo lamang ang ipinanganak na sadyang walang hymen.

6. Rape victim – marami ang biktima ng rape.  Rape na ang salarin ay maaaring mismong kapamilya, kapitbahay, kaibigan, kamag-anak o mga halang na kaluluwa ang may kagagawan.  Hindi nila ito kagustuhan, mas pinili na manahimik dahil marami ang isinaalang-alang.

7.  Blackmail    – ito ay nangyayari, kapag mayroong hininging pabor o nag-offer ng tulong sa oras ng kagipitan.  Ang kapalit ay maaaring ang dangal.

8. Willingness – ito iyong kusang-loob na pagsuko ng isang babae sa taong kaniyang minamahal.  Dahil demanding ang lalaki, hindi ibinigay ang tamang respeto sa minamahal.  Binola-bola at pinangakuan ng buwan at bituin, na pagkatapos ay pakakasalan daw…..nang nakuha na ang gusto, bigla nang naglaho kasabay ng mga bituin at buwan na kaniyang susungkutin daw.

Ang depinisyon daw ng hindi na birhen na matatawag ay ang pagkakaroon na ng actual na penetration.
Kaya para sa mga girls, magsabi nang buong katotohanan sa umpisa pa lamang.  Kung mahalaga ang virginity sa inyong boyfriend, huwag nang mag- dalawang-isip.  Sabihin kung ano ang totoo, habang maaga upang  wala nang masaktan pa.  Dito rin ninyo masusukat kung tunay ang pagmamahal sa inyo ng lalaki.
Saludo ako sa lahat ng mga lalaki na hindi naging big deal sa kanila ang virginity ng isang babae.  Saludo rin ako sa mga kalalakihang marunong rumespeto sa kanilang girlfriend.  Hindi batayan o sukatan ang kapirasong laman para lamang mapatunayan na mahal ka ng iyong girlfriend.

Sa panahon ngayon, nakabibilib pa rin ang mga babaeng naaalagaan ang kanilang pagkababae.  Mas masaya siguro ang pakiramdam kapag naglalakad ka papuntang altar, suot ang puting-puti na gown na simbolo ng kalinisan ng iyong pagkababae.  Pagkababae na inilaan mo lamang sa taong mahal na naghihintay sa altar.

Naniniwala Ka Ba Sa “Third Eye”?

123RF/woman in a white dress)
Maliit pa lamang ako at nagsimulang magkaisip, napakarami ko nang mga karanasan; mga karanasanang hindi kayang ipaliwanag ng siyensya.  Madalas kasi akong magsolo noon at kahit hanggang ngayon, mas feel ko ang tahimik na paligid o nagsosolo.  Mas gustong-gusto ko nga ang laging nakakulong lamang sa aking kuwarto, lalo na kapag stressed ako.

Kulang ang 120 pahina, kung ilalahad ko lahat ng aking mga karanasan.

Kanina bumisita ako sa dating tirahan namin.  Pinagawaan ko kasi ng kahoy na double deck ang aking mga bagong tauhan sa ibaba; exclusive lang sa boarders at puro babae ang mga nakatira sa itaas na dati naming inuukupa noon.  Pumupunta lamang ako doon para sigurahuhin na malinis ang bahay at tignan ang kanilang kalagayan.
Noon, madalas akong nakakakita at nakakaramdam. Mayroon akong kakaibang nararamdaman kapag mayroon ibang nilalang na alam ko nasa tabi lamang. Andun iyong pagpapawisan ka o biglang tatayo ang iyong mga balahibo.

Habang nakaupo ako sa sala, nakita ko sa sulok ng aking mga mata ang isang pares ng paa na paakyat sa hagdan.  Sanay na ako na makita ang ganun sa bahay na iyon; kaya binalewala ko lamang ito.  Alam ko na walang tao kanina sa 2nd floor, dahil nag-iisa na lamang ang boarder ko at nasa opisina pa.  Abala naman ang 4 na tauhan ko, tumtulong sa gumagawa ng double deck at sa paglilinis sa may kainan na karugtong ng sala.

Natigil ang parang tunog nang mga yapak sa itaas at isang parang naglalaro ng holen;  binalewala ko na lang ito.  Patay ang ilaw sa salas, pero maliwanag din naman kahit papaano.  Biglang napagawi ang tingin ko sa katabi kong upuan, muntik na akong napatalon sa kabiglaan.  Hindi ako nakakilos at lalong hindi ko rin naialis ang tingin ko sa katabi  ko.  Nakaputi, ewan ko bakit biglang lumakas ang loob ko; umangat ang ulo ko para tignan ang itaas na bahagi nito, ang mukha ng nakaputi na katabi ko.  Isang babae na nasa 40+ at nakangiti sa akin.  Ang tanging nausal ko ay “Dios ko po!” sabay kurap ng aking mata. Pangalawang kurap, nawala na ang aking katabi at nawala na rin ang init na aking naramdaman; pinagpawisan na lamang ako ng malamig.

Nanlambot ako ng todo, hindi ko alam na parang nakaramdam ako nang gutom.  Tumingin ako sa pinto na papuntang kusina; doon muli ay nakita ko ang babaeng katabi ko kanina at nakatalikod.  Mayroong sumunod 3 bata at isang malaking lalaki na bumaba galing sa hagdan.  Ang apat na tauhan ko ay abala, walang kaalam-alam sa mga nakikita ko.  Naisip ko na lamang, siguro ay na-miss din nila ako. Siguro ang ngiti na iyon ay parang nagpasalamat at bumisita ako ulit sa bahay na iyon at nagpa general cleaning.  Iba kasi noong doon pa kami nakatira, malinis at wala kang makikitang alikabok at basura.

Hindi lamang sa akin nagpapakita ang mga taong iyon.  Mismo ang hubby ko na nasa Saudi nakita niya rin ito sa webcam noong nag-uusap kami. Ang aking mga boarder na siguro may 3rd eye din, madalas nakikita nila ito na umaakyat sa itaas.  Madalas nilang gayahin ang aking anak na binatilyo. Madalas kasi nakasunod sa kanila umakyat, na akala nila ay anak ko; nagtataka na lamang sila na biglang nawawala pagdating sa itaas at wala rin kahit anino ng aking anak.  Madalas noon gising ang aking bunsong anak, mamalayan namin wala sa tabi namin.  Makita na lang namin naglalaro mag-isa sa ibaba madaling araw habang tulog na ang lahat ng tao.

Noong pauwi na ako, bigla akong nakaramdam ng panlalamig at pagtayo ng balahibo.  Hindi na ako lumingon, diretso na akong naglakad palabas ng bahay at sumakay sa motor.  Pagdating ko dito sa opisina kung saan dito na rin kami nakatira, saka ako nakaramdam ng sobrang antok.  Antok na antok na hindi ko kayang pigilan kahit na kumain pa ako ng maasim na pinya.  Nakatulog akong nakaupo sa table ko, ang lalim nang tulog ko hindi ko namalayan kahit anong ingay.  Pero buhay na buhay ang aking nakita sa panaginip; nagpakita sa aking panaginip ang nakita ko rin kanina at nakangiti silang pareho.  Mayroong sinasabi pero hindi ko na ito natandaan nang nagising ako.  Tatlong oras akong nakatulog nang mahimbing at wala na ang aking mga kakaibang nararamdaman.

Noon, alaga ko silang alayan ng pagkain sa mesa.  Naglalagay din ako ng mga prutas sa altar at nagsisindi ako ng kandila.  Lagi ko silang kinakausap na huwag lang nila kaming gawan nang masama. Isinasama ko sila noon sa aking pagdarasal, ang kanilang katahimikan.  Madalas din noon, kapag nagpapakita sa kahit kanino sa amin; kinakausap ko na sabihin kong ano ang ang aming maitulong.  Pero tulad nang dati, magpaparamdam, magpapakita at minsan nakikisaya pa nga kapag mayroong okasyon.  Siguro masaya sila na kami ang kasama nila doon.
Eight years ko na rin na inuupahan ang apartment na iyon.  Sa apartment na iyon nag-umpisang magbago ang buhay ko, doon ako unti-unting nakaraos sa pinansyal na aspeto ng buhay ko.  Kung pagtutuunan ko nang pansin lahat  nang anggulo ng bahay na iyon ay umaayon sa Kua number ko.  Pero, madalas magpahiwatig sa akin ang babaeng iyon kapag mayroon magandang mangyayari sa akin.  Parang gusto ko na rin paniwalaan ang sinabi nang matanda sa akin noon; na ang nakatira doon ay siya ang tumutulong sa akin.
Mga kababalaghang hindi pinaniniwalaan ng karamihan, ngunit paano nga ba ito maipapaliwanag?

Basta ako, hanggat hindi sila nananakit ng tao ay hahayaan at titingnan ko lamang sila. Lagi ko silang isasama at ihingi ng kapatawaran sa Dios at para sila ay magkaroon na ng katahimikan.

Friendster Ng Pag-Ibig ko, Facebook Ng Buhay Ko!

(google/social icons)
Nag-iisip ka sa nabasa mo anoh!..

Sige, kuwentuhan muna tayo; para lumamig ang ating ulo dahil sa mainit na batas na ngayon ay pinag-uusapan.
Hayaan mo, maiksi lamang ito, gusto lamang kitang kuwentuhan.
Isang workaholic na adik na laging kaharap ay puro numero at mga ledger.  Salamat sa quicken mas napabilis ang pagkuwenta at pagbabalanse ko.

Naging “in” na rin ang aming opisina, nagkaroon na ng internet connection.

“Ate Dhors, gawaan ka namin ng Friendster account”

“Naku!…wala akong hilig diyan.”
Minsan kapag hindi busy; pinanood ko sila habang nagpi-Friendster o naglalaro ng pacman kapag breaktime.

Hindi nagtagal naki “in” na rin.

“Sige nga!….. gawaan ninyo ako ng account sa FS”

In short, nagkaroon ako ng Friendster account.  Add ng mga kakilala at upload nang ilang pictures.  Pero, minsan-minsan lamang ako mag-open noong una, madalas nakalilimutan ko pa nga ang password ko.  Hindi rin kasi ako that time mahilig kahit sa chat, hindi ko nga alam ano iyong tinatawag na messenger; ang tanging alam ko ay email at inbox.  Ignorante pa ako noon, pero hindi ko pinapahalata siempre… hehehe!

FRIENDSTER ng pag-ibig ko, dahil sa Friendster kami nagkakilala ng aking love of my life ngayon.  Sobrang makasaysayan ang Friendster sa buhay naming magsing-irog. Ginawang parang chatbox ang inbox; nag-umpisa sa simpleng “kamusta ka, batch, ang ganda mo ngayon”.  Ikaw ba naman ang mag-upload ng isang graduation picture, sigurado talagang maganda dahil naka make-up..lol…

Hindi lamang pag-ibig ang naibigay sa akin ang Friendster, ang dating tahimik ko na mundo ay nagkaroon ng ingay.  Dahil sa Friendster, doon ko rin nakita ulit ang mga  dati kong mga kakilala at malalayong kamag-anak. At dahil rin sa Friendster, nabuhay ang napakatagal kong inilibing sa baul…ang pagsusulat.  Dahil sa Friendster blog, ito ako ulit ngayon at nagsusulat at nagbabahagi sa inyo,
Kaya, salamat sa Friendster dahil natagpuan ako ng aking mahal; nagkakilala mula sa simpleng pag-click ng add button.  Dahil sa Friendster, muling nagkakulay ang buhay pag-ibig ko.  Kaya, isa kang magandang alaala para sa akin FRIENDSTER!

FACEBOOK…..ikaw ang buhay ko, bukod sa aking mga minamahal sa buhay. Nang dahil sa iyo, naibsan ang aking kalungkutan habang nasa malayo ang aking mahal.  Dahil sa iyo, tinatanggal mo ang aking stress noon at magpahanggang ngayon.  Katunayan, sa iyo natupad ang aking pangarap; magkaroon ng farm dahil sa Farmville, ‘yon nga lamang at nakasalamin na ako ngayon.  Pero okey lang, madalas naman nahahasa ang aking isipan sa iyo, dahil sa mga games na kung saan naging addict akong laruin ang mga ito. Paligsahan sa Brain Buddies at pabilisan na gamit ang isip ko sa larong Bubbles.

Ikaw ang naging buhay ko, dahil nang nawala si Friendster napakalaking utang na loob ko sa iyo. Sobrang naibsan ang aking kalungkutan sa aking mahal na nasa malayo.  Nagkaroon ako nang libangan at dito ko nakilala ang aking makapal na angkan, kung saan ako nagmula at sino ang aking mga ninuno pati na ang mga bagong henerasyon.

Dahil sa iyo, ang malayo ay naging magkalapit na lamang. At nang dahil sa iyo, naging update na rin sa bawat isa at mga pangyayari; at lahat nang iyon ay dahil sa status at pag-a-upload ng mga pictures ng bawat ka Facebook ko.  Nang dahil sa iyo, ito ako ngayon nagsusulat at nakakapagbahagi sa aking mga ka-Facebook nang mga ideas at mga walang kuwenta minsan na mga status.  Dito ako nalilibang eh!…kaya minsan naisip ko, malaking kawalan rin ang Facebook kapag tulad ni Friendster ay  baka mawala rin.

Ah, basta….patuloy akong maging addict sa FACEBOOK, lalo na ngayon at adik na rin ako sa blogging sa DEFINITLY FILIPINO.  Addict man ako dito, pero alam ko ang aking limitasyon. Mas lalong alam na alam ko kung papano ito gagamitin para sa maganda lamang at hindi para makasira sa akin at o ikasira ng kapwa ko.

Goodbye Friendster ….Hello Facebook!.

Ang Init At Lamig Ng Pagmamahalan

Photo Credit:123rf/ loving affectionate couple)
Kasabihan nga, ang sabaw ay hindi masarap higupin kung malamig na.  Kaya nga kapag tayo ay kumakain, hindi ba halos hindi na tayo makatayo dahil sa kabusugan. Sobrang init at sarap ng sabaw ng nilaga, sinigang o sabaw ng bolalo; tagaktak pa ang pawis at talagang solved na solved ang feeling mo.
Bakit nga ba sa kabila ng halos umuusok at naglalagablab na pagmamahalan, madalas dumarating pa rin sa punto na unti-unting namamatay ang apoy at abo na lamang ang natitira; namamalayan na lang, malamig na ang paligid dahil nakalimutan na pala itong dagdagan ng gatong.  Kailangan kasi para manatili ang init huwag kalimutang lagyan ng tuloy-tuloy na panggatong at para lagi o lalong mag ningas ito.

Ito ang tanong…  Bakit nga ba ang daming mga couples na nagkakahiwalay ngayon sa kabila na halos mayroon na silang perfect marriage or relationship?
Susubukan kong isa-isahin ang mga dahilan:

Ligawan level
Noong si lalaki ay nanliligaw pa lamang, sobrang maginoo, malambing at lagi mayroong rosas,chocolates at kung anu-ano pang bagay na ibinibigay sa kanyang nililigawan.
Halos inuubos na ang oras sa pagte-text at chatting.  Hindi rin nanghihinayang sa load sa cp at sa internet.  Kailangan kasi nang effort para masungkit ang matamis na oo ni girl.  Ang tiyaga pa yan maghintay at maghatid sa kanilang mga nililigawan.
Sa mga net naman nagliligawan, halos hindi na makapagtrabaho, sagana rin sa load at sabik na dumating ang uwian kasi kailangang magdamagan na naman videocall or skype. Ubusan ng load, nagkakautang-utang pa para lang makatawag kay iniirog.  Kailangan pag-ibayuhin para masungkit kaagad ang napakatamis na “OO”
Si babae naman ito kilig na kilig, habang nililigawan panay din pa cute, laging maganda at conscious sa kaniyang looks o beauty.  Halos isang oras sa salamin, lalo na kapag inaya ng date. Para  naman doon sa mga nililigawan sa internet ganun din panay pa cute, kailangang naka make up pa pagharap sa webcam.

Boyfriend / Girlfriend level (1st -5th month to 1year)
Noong sinagot na ng babae si lalaki, lalong naging sweet at kulang na lang eh langgamin halos hindi na mapaghiwalay. Isang text, tawag o aya ni girl halos kandarapa pa si lalaki sa pagsunod sa kanyang girlfriend. Kung ang usapan eh 8pm nandian na 6pm pa lang. Uso pa masyado sa ganitong level ang American time. Paala-alalay pa iyan sa pagbaba ng sasakyan kay girl. O di kaya naka alalay pa iyan sa likuran or sa danger side kapag tatawid.
Si babae naman, nakupo ang lalake ng langgam, parang herumigas kung tawagin sa bisaya.  Super sweet, andun ang pinupunasan pa ang mukha o likod ni fafa; madalas sinusubuan pa nga na parang baby si lalaki hehehe at nilalagyan pa ng bimpo sa likod. Sobrang lambing din ni girlash kay fafah, “bebeh ko, honey ko etc..kumain ka na ba? Kumain ka na ha? Huwag na huwag kang magpapagutom.
Basta lahat na ng klase ng minatamis o kakornihan nandito na sa level na ito lalo na kapag may LQ…amininnnn… J

Boyfriend / Girlfriend ( months or 1year onwards)
 Sabi ni macho man:
“Honeybee, sweetheart, bebeh ko (lahat na na ang mga matatamis na tawagan) sorry ha? Late or ma-late  ako kasi…(madaming dahilan na ang na-recite).”
“Chuwawa ko, bumaba ka na kasi nagmamadali ako; kailangan kong umabot sa moon, sa sun at sa planetang Uranus, etc.”  Andaming reason ulit.

“Mylove my darling, sorry ha naubusan na ako ng load, wala na rin akong pang internet pasensiya na ha?”

“Sweet, Irog ko….Dali bilisan mo at tatawid tayo… Takbo! Baka masagasaan tayo”

Sabi naman ni Barbie:
“Papeh, may lakad kami mamaya ng mga barkada ko, huwag mo na akong sunduin ha?”
“Asawa koh, puwede bang mamaya ka na lang tumawag o pumunta dito sa bahay…inaantok pa kasi ako eh.”

“My hero, may superman, bakit hindi ka nagtext o tumawag kagabi?….Sige na nga, bahala ka!”

Naglalambingan pa rin naman, nagmamahalan pa nang tunay sa level na ito  pero parang medyo may kulang na.

Maari din itong maihalintulad ang mga naunang salaysay sa level nang marriage life.  Mayroon rin mga stages o level na pagdadaanan kapag kasal na ang magsing-irog.
Ito na!…Medyo maligamgam na ang sabaw.  Saka parang may kulang na sa timpla; hindi malaman kung asin, vetsin o magic sarap ba or knorr cubes ang kulang.

Sabi ni Kuya o ni mang Tomas (dating si Tom nang kapogian pa):

“Anong date?…Oi, kurdapya gastos lang iyan, pambaon pa nang mga bata.” 
“ Ito bumili ka na lang ng kandila sa kanto at bumili ka na rin ng monay na malaki  at ilagay mo ang kandila sabay hipan mo. tapos kantahan mo sarili mo nang happy birthday.!”

“Bulaklak? Chocolate?….sus, hindi na uso ‘yan! Saka ang mamahal na ng bulalaklak ngayon at chocolate.”

“P___ ___ mo! Bilisan mo takbo! Ang bagal bagal kasi eh!”

Sabi naman ni Ate o ni manang Cleopatra (dating cleofe):

“G___ ka! Bakit umuwi ka pa!…Doon ka na lang sa kulasisi mo!”

“Kumain ka na diyan, initin mo na lang ang ulam, pagod ako eh…’andaming trabaho dito sa bahay maghapon.”

Oi, Tomas! Huwag na huwag kang tumabi sa akin ha!…amoy tinapa ka!
“Hoy!…Juancho!..Siguro may ka chatmate at katawagan ka nang iba, kaya wala ka nang panahon sa akin!”


Naku!…lagot wala na nga talagang timpla….Nawala na iyong “O irog ko susungkitin ko ang mga bituin at buwan para sa iyo”.  Iyon pala ibang bituin ang ibinigay pati moon isinama pa; dahil umikot ang paningin sa suntok at kurteng moon ang black eye….
”Bakit nga kaya?”

Unang-una, nagkulang na ang isa’t-isa sa pagpapakita at pagpaparamdam nang pagmamahal.
Kailangan kahit mag asawa na, panatilihin ang sweetness,at paglalambingan   Kahit gaano pa kapagod sa maghapon, kailangan pariho kayong magbigay nang oras sa isa’t-isa.
Panatilihin ang init ng pagmamahalan.  Ang kaligayahan nang mga babae ay ang paglalambing ni Mister.  Ipagluto, tulungan sa gawaing bahay, mag-date paminsan-minsan at huwag kalimutan ang mga mahahalagang araw sa buhay ninyo.  Ugaliin pa rin na magbigay ng bulaklak kahit walang okasyon; maari naman itong gawin kapag mayroong mga small or big achievements nagagawa ang iyong asawa.

Hate na hate ni mister ang bungangerang misis at puro reklamo.  Ito ang madalas na pag-awayan nang mag-asawa. Kaya naman halos nawala na ang respeto sa isa’t-isa pati na ang mga anak; kasi sa buong buhay na ginawa ng Dios, walang ginawa kundi ang talakan at sigawan sa loob ng bahay.  Ang ending, magkakaroon ng isang pamilyang magulo, pati mga anak ay maaring magrebelde.  Hanggang sa naging broken home na ang dating nilalanggam na tahanan.  Nambabae at nanlalaki na si mister at si misis, kesyo nagkulang na ang isa’t-isa; at naghanap nang kalinga sa iba na isang malaking pagkakamali sa buhay nila ang pangyayaring ganito.

Ang itinuturong ugat?
1. Pinansyal na estado sa buhay
2. Pagkululang at kawalan nang panahon sa isa’t-isa
3. Pressure sa mga pang araw-araw na pamumuhay dala nang iba’t-ibang problema (sa trabaho, biyenan, mama or papa’s boy/girl, etc.)
4. Bisyo (alak, sugal, pambabae, panlalaki )
5. Malayo sa isa’t-isa bunga nang pagtatrabaho sa malayong lugar at sa abroad at hinahanap ang presence ng bawat isa.
Kaya sa lahat nang qoutes na nabasa ko, ito ang pinakagusto ko
“The success of marriage comes not in finding the “right” person, but in the ability of both partners to adjust to the real person they ineveitably realize they married.”
John Fischer