|
Portrait of happy family holding piggy bank outside their house (Photo Credit: (123rf ) |
Isang request ng aking masugid na tagasubaybay sa mga blogs, mga tips para sa ikauunlad bilang isang mamamayang Pilipino.
Message galing sa aking inbox page na Dhors:
“Madam, salamat sa mga
sinusulat mo po na mga tips na pampamilya, napakalaking tulong po ito sa
akin. Sana po magbigay ka rin ng mga tips kung paano makaipon ang
isang asawa ng OFW.”
Hindi ako expert na financial analyst, pero susubukan kong maibahagi ang aking kaalaman sa usapang “ipon”. Isa akong dating single
parent, pero naitaguyod ko ang aking anak sa lahat ng bagay.
Nakapag-invest ako sa educational plan, kahit 125/day lang ang aking
suweldo noon. Madiskarte kasi ako sa buhay, basta marangal na trabaho o
sideline ay ginagawa ko.
Ngayon ay isang partner sa buhay ng isang
OFW na malapit nang mag-stay for good dito sa Pilipinas. At dahil ito
sa aking matalinong pagsisinop ng bawat salapi na dumaraan sa aking mga
kamay, kasama na ang tamang pagpaplano at paglalagay sa mga dapat
paglagyan ng ipinadadala sa akin ng aking partner in life.
Hindi ako kuripot, gumagastos din ako,
pero lahat ay sa mga makabuluhang bagay ko lamang inilalagak ang kung
anong mayroon kami. Lahat ng natutunan ko noong bata pa ako ukol sa kung
paano pahalagahan ang bawat pera na hawak ko ay nadala ko hanggang ako
ay nagkaroon ng trabaho.
Malaking hamon para sa akin ang
magpatakbo noon ng isang kumpanya na hindi nakikialam ang mga may ari.
Kailangang maging maingat ako sa lahat lalo na sa financial status ng
isang kumpanya. Sa katunayan dahil sa maayos ko itong napatakbo sa loob
ng 16years, napagdisisyonan nilang magpamilya na itoy ay tuluyan nang
ipamana sa akin. Ayon sa kanila, may tiwala sila na magiging maayos ang
lahat kahit wala na sila. Patunay ang mga taon na lumipas na lahat ng
gusot na pinagdaanan ng isang kumpanya ay nalusutan ko na. Sa awa ng
Dios nababayaran ko din sila nang paunti-unti umpisa nang ibinigay o
ibinenta nila sa akin ito. Salamat at na i-apply ko ang lahat ng aking
natutuhan sa tamang pag-babudget sa bahay noon.
Paano nga ba sisinupin ang bawat sentimo
na ating hinahawakan? Ang bawat sentimo na mula sa ating dugo at
pawis? At paano natin pangalalagaan ang bawat remittances na
natatanggap natin sa ating asawa, kapatid o anak na nagtatrabaho sa
abroad?
Savings Account
– Mag-open ng joint savings account sa bangko kapag kayo ay mag-asawa.
Kung ikaw naman ay single, bago umalis ng bansa ay mag-open din ng
account na puwede kang magdeposit kahit nasa abroad ka. I-check lamang
ito sa mga bangko kung anong account ang nababagay para sa inyo. Kung
aalis man kayo na wala pa kayong pang-initial deposit, ipakita lamang sa
banko ang inyong contract para mabigyan kayo ng mga documents na
kailangan ninyong pirmahan at inform lamang ninyo ang banko na ito ay
i-open ninyo lamang kapag mayroon na kayong remittance after ninyong
makaalis at makatanggap na ng sahod. Mag-iwan lamang ng authorization
sa inyong kapatid o magulang na mapagkakatiwalaan ninyo.
Huwag ninyong isipin na mayroon kayong
savings para pag-uwi ng inyong kapamilya na OFW, ito ang pasalubong
ninyo sa kanya ,isang PASSBOOK. Maglaan kahit 10-20% na savings sa
bawat remittances na natatanggap
Para sa mga binata, dalaga o may asawa
na, ito ang pinaka importante sa lahat, kailangan ninyong magtabi ng
pera para sa sarili ninyo. Para din ito sa inyo pagdating ng araw.
Budget
– Bago pa man umalis si mr, mrs, kuya o si ate, napagkakasya ninyo kung
ano lamang ang kayang abutin ng inyong pera. Huwag maging instant
millionaire (marami akong alam katulad nito). Kung mahal ninyo ang
inyong kapamilya na OFW at kung marami kayong pangarap sa buhay,
gumastos lamang ng tama sa pangangailanan. Unahin ang mga basic needs,
tuition at mga pangangailangan sa school ng mga anak. Iwasan ang
pumasok lagi sa mga supermarket at malls. Kung hindi man maiwasan,
kailangang nakalista lahat ang kailangang bibilhin. Kapag nasa loob na,
maraming tukso na mga produktong nagiging dahilan upang ikaw ay mawala
sa budget na nakalaan kada buwan. Huwag sanayin ang mga anak na pera
ang baon. Isang matipid at healthy na pagkain ang pinaka-best sa mga
estudyante, ang mismong galing sa inyong kusina. Magbigay ng sapat na
allowance para sa kanila, turuan silang magbudget na kapag naubos nila
kaagad, hindi na puwedeng manghingi nang dagdag.
Ugaliing maglista ng mga buwanang
gastusin. Pag-aralan lahat ito at kung paano i-minimize ang bawat
gastusin. Matutong mamaluktot. Kapag pareho kayong may trabaho o
kumikitang mag-asawa, puwede kayong maglaan ng isang fund kung saan
equal sharing of responsibilities ang inyong gagawin. Maaari din kayong
magkaroon ng individual savings, aside sa inyong joint savings. Nasa
pag-uusap ninyo nakasalalay ang lahat . Pero si Misis ang malaki ang
ginagampanan sa kung paano niya sisinopin ang lahat ng perang dumaraan
sa kanyang mga kamay.
Investment
– Ito ang karaniwang kasunod na pangarap ng bawat pamilya, bukod sa
mapagtapos ang kanilang mga anak sa kolehiyo. Mag-invest sa isang bagay
na maaari kayong kumita o ito ay puwedeng pagkakitaan at makatutulong
sa inyo. Makadadagdag pang savings. Kung nagre-rent ng apartment o
bahay, bakit hindi na lamang kumuha ng mga bahay na rent to own o iyong
mayroong regular amortization na ang downpayment ay maliit lamang.
Kumuha lamang ng pasok sa inyong budget, para hindi mahirapan magbayad
kapag mayroong emergency na pinagkagastusan. Ang importante mayroon
kayong sariling bahay na matutulugan. Iyong hindi kayo mapapaalis kapag
hindi na kayo nakababayad. Iwasang mag-invest sa mga material na bagay
na hindi naman kailangan. Gawin lamang ito kung talagang mayroong sobra
sa budget. Isama na ninyo ang pag-invest sa SSS kung saan
makatatanggap kayo ng pension kapag nasa edad na kayo na 60 years old.
Pambili din ito ng bigas at ulam kapag ang inyong anak ay na-delay sa
pagbigay sa inyo ng inyong allowance kada buwan.
Bayanihan o Tulungan
– Noong kayo ay ikinasal (kayo lang kasi ako hindi pa ikinakasal, balak
pa lang po hehe) “Sa hirap at ginhawa, kayo ay magtutulungan”, ang
minsang narinig ko na sinabi ng pari nang um-attend ako sa kasal ng
aking kapatid.
Oo, sa panahon ngayon, hindi maaaring
umasa na lamang sa padala ng ating mga kapamilya na OFW. Maraming
puwedeng gawin ang isang plain housewife, subukang mag-isip ng mga bagay
na kung saan ay puwedeng maging hanapbuhay. Walang imposible sa bawat
pangarap sa buhay kapag ito ay pinagtutulungan. Iwasan na pag-awayan
ang pera; ito kasi ang madalas na sanhi ng mga hindi pagkakaunawaan ng
mga mag-asawa.
Aminin man natin o hindi, kapag maraming
gastusin at kulang sa budget, hindi maiwasang nag-iinit ang ating mga
ulo. Pero sa halip na awayin si mister dahil bakit iyon lamang ang
kaniyang kita, kulang na kulang pa; bakit hindi mag-isip ng mga bagay na
tulad ng mga sinabi ko.
TANDAAN WALANG UMAASENSO NANG SHORTCUT.
Lahat ng mga taong umaasenso ay dumaan sa sobrang hirap at sakripisyo.
Walang madaling trabaho, dahil kahit ang matulog maghapon sa bahay at
makipagtsismisan sa kapitbahay ay nakapapagod din. Huwag sayangin ang
mga oras habang naghihintay sa padala galing abroad.
Bawal Ang Utang
– tiyak kapag ito ang nakapaskel sa pinto ninyo, tataas kaagad ang
kilay ng mga makabasa nito. Kapag alam na OFW ang inyong kapamilya ang
tingin nila kayo ay mayaman, maraming dollar, riyal, dirham at kung
anu-ano pang amoy istetsayd na pera. Isa-dalawa-tatlo, tatlong beses na
pinahiram at hindi marunong magbayad, nakalimutan na at muling lalapit
dahil mayroong emergency. Medyo kailangang magbigay ka na ng mga
dahilan. Hindi masama ang magdamot, pero kung ito ay kalabisan na, tama
na dahil hindi ninyo pinupulot ang pera na inyong ipinapahiram. Kung
marunong magbayad ay okey lang ito. Magkaroon ng limit sa pagtulong sa
pamilya. Hindi masama ang tumulong sa pamilya lalo na at
nangangailangan ito at kayo ay medyo nakaluluwag sa buhay.
Pero tandaan ninyo, na huwag na huwag
kayong maging dahilan upang sila ay turuang maging tamad at palaasa sa
inyo o sa bigay ninyo. Minsan kailangan nating tiisin ang ating
damdamin para sila ay matuto sa buhay.
Bakasyon grande
– Siyempre isang OFW, sana iwasan natin ang mala-fiesta na inuman,
iyong halos gabi-gabi eh bumabaha ng alak. Okey na iyong isang beses,
the rest kahit kayo na lang ng mga kapatid mo o ayain mo ang iyong
asawa. Kayo ang mag-one on one sa harap ng tanduay ice with matching
soundtrip pa at namnamin ang bawat segundo na kayo ay hindi nagkasama.
Alalahanin, nagbakasyon kayo para sa
inyong pamilya at hindi para sa inyong mga kaibigan. Gumastos man ng
pera, para sa bakasyon grande ng inyong buong pamilya. Walang kasing
saya ang makasama nang buo ang pamilya kumpara sa mga kainuman na kapag
wala ka nang maipainom, hindi ka na papansinin at lilibakin ka pa.
Dahil bago ka umalis nagkautang ka pa sa isa sa kanila. Naubos na kasi
ang iyong naiipon.
Umiwas sa mga tukso
– mga tuksong puwedeng pagsimulan ng kagipitan at pagkasira ng
pamilya. Sugal, pambababae, panlalalaki, inom, pagkabaon sa utang dahil
sa load o gadgets at at sa lahat ng nabanggit kasama na rin ang
pagkahilig sa mga gimik.
Nais ko lamang ipaalala, lumisan kayo ng
bansa upang maisakatuparan ang lahat ng pangarap ninyo sa inyong
pamilya. Hindi kayo nagdesisyon na paalisin at payagan ang inyong mga
asawa na magtrabaho nang malayo sa inyo para sa mga bagay na puwedeng
magdulot sa inyo ng kabiguan at pagkawasak ng isang masayang pamilya na
punong-puno ng mga pangarap sa buhay. Vice versa po lamang iyan, para
sa naiwan na mga asawa dito, lalo na ang mga kababaihan, sikapin rin
na umiwas sa lahat nang mga tukso.
Ito po ay hindi lamang para sa mga
babaeng asawa na naiwan dito sa Pilipinas, pasok din po kayong mga
kalalakihan na iniwan ng inyong mga asawa para magtrabaho sa ibayong
dagat upang kayo ay matulungan na tuparin ang bawat pangarap na binuno
ninyo bilang isang mag-asawa.